BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Kumusta po kayo? Nawa’y napupuspos ng galak at pananabik ang iyong puso sa pagdating ng Panginoon. Isang tulog na lang, Pasko na! Ito po muli ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang tagpo ng pagpangalan sa sanggol na anak nina Zacarias at Elizabeth, ayon kay San Lukas kabanata isa, talata limampu’t pito hanggang animnapu’t anim.
EBANGHELYO: Lk 1:57-66
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang kapitbahay at mga kamag-anakan na nagdadalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila upang tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya nga kanyang ama. Sumagot naman ang kanang ina: “Hindi, tatawagin siyan Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ng kanyang isinusulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa boung mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga naririnig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito? “ dahil sumasaknyang talaga ang kamay ng Panginoon.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Nakakaaliw ang huling parte ng Mabuting Balita ngayon. Hindi nakaligtas sa mga Marites ang mag-asawang Zacarias at Elizabeth. Naging usap-usapan daw sa buong bulubundukin ng Judea, ang mga nangyari sa buhay nila. Mabilis kumalat ang balita, pinag-isipan pa nga daw ito ng mga nakabalita, takang-taka sila kung ano ang kahihinatnan ng batang si Juan “sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.” Matatandaan, na nang mabalitaan ng kanilang mga kapitbahay at kamag-anak ang pagsilang ni Elizabeth, nagdagsaan ito sa kanilang tahanan. Marahil curious na makakita ng isang lola at lolong naging magulang, for the first time, sa kanilang katandaan. Hindi lang yan, bumalik uli sila sa pagtutuli ng sanggol, para mag suggest ng pangalan ng bata. Mga kapatid, minsan masyado tayong excited! Gustong-gusto nating pangunahan ang mga plano ng Panginoon. Hindi tayo makapaghintay, kaya gumagawa tayo ng paraan upang maisakatuparan ang mga nais natin. Kapag sumablay, saka pa lang natin naaalalang ni hindi man lang pala natin naisa alang-alang ang Kanyang kalooban. Isang napakabanal na gawi ng aming Blessed founder, James Alberione, Tagapagtatag ng Pauline Family, ang sumangguni sa Panginoon sa anumang desisyon na kailangan niyang gawin. Inaabot siya ng halos apat na oras sa pananalangin, upang mabatid ang kalooban ng Diyos. Ganito din sana ang ating gawin, sa mahahalagang desisyon dapat nating tupdin, laging sumangguni sa Diyos.