Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 26, 2023 – MARTES  |  Kapistahan ni San Esteban, unang martir

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Kapistahan ngayon ni San Esteban, ang unang martir ng pananampalatayang Kristiyano. Habang patuloy tayo sa masayang pag-alaala sa kapanganakan ng Panginoong Hesus at puspos pa ng kasiyahan ang ating puso sa mga Christmas parties at reunions na ating dinaluhan, biglang kalungkutan ang tatambad sa atin sa unang araw ng panahon ng Kapaskuhan.  Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St Paul. Pakinggan natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata sampu, talata Labimpito hanggang dalawampu’t dalawa.  

EBANGHELYO: Mt 10:17-22

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat sa mga tao, ibibigay nga nila sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapatay ng sariling kapatid ang sariling kapatid, ng ama ng kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang magulang at ipapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kahapon, ipinagdiwang natin ang pagsilang ni Hesus sa sanlibutan, isang pagdiriwang na punong-puno ng kasiyahan. Ngayon naman, ipinagdiriwang ng Inang Simbahan ang kapistahan ni San Esteban, Unang Martir. Marahil, itatanong natin, bakit ganun, kahapon ang saya-saya, kasi pagsilang ang ating ipinagdiwang, tapos ngayon, kamatayan agad? Pero kung tutuusin, hindi kamatayan ang ating ipinagdiriwang sa kapistahang ito ni San Esteban, kundi ang kanyang pagsilang sa walang hanggang buhay. Oo, ibang uri ng pagsilang. Pagsilang ito sa buhay na walang hanggan na kung saan, makakapiling natin ang Panginoong Diyos magpakailanman. At iyon ang dahilan, kung bakit isinilang si Hesus na katulad natin. Nang sa gayon, maipakita sa atin ang tamang daan patungo sa Ama sa langit, at tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Mga kapatid, narinig natin sa Mabuting Balita, ang mga pagsubok na mararanasan at titiisin ng mga tagasunod ni Hesus. Ang mga pagsubok na ito ay naranasan ni San Esteban, at ng marami pang mga tagasunod ni Hesus, mga banal at mga martir na nag alay ng kanilang buhay dahil sa kanilang pananampalataya at pagsasabuhay sa Mabuting Balita.  Sa harap ng pag-uusig dahil sa ating matatag na paninindigan sa pananampalataya, nawa’y humugot tayo ng lakas at pag-asa sa mga salita ni Hesus: “huwag mabahala, sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”