Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 28, 2023 – HUWEBES  |  Kapistahan ng Mga Banal na Sanggol na walang Kamalayan

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ika-Dalawampu’t walo ngayon ng Disyembre, ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan. Alalahanin natin sa panalangin/ ang lahat ng sanggol sa buong mundo, lalo na/ ang mga pinagkaitan ng pagkakataong mabuhay/ dahil sa abortion/… ganundin ang mga bata sa Israel at Gaza, na naiipit, nanganganib ang buhay at namamatay dahil sa nagpapatuloy na digmaan.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo, kabanata Dalawa, talata labintatlo hanggang labingwalo.

EBANGHELYO: Mt 2:13-18

Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Angel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “ Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang  ina tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon s pamamagitan ng Propeta: “ Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman ito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya inutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga natang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya ngakatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “ Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ng kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kumusta po ang Pasko ninyo? Nawa’y naging masaya ito at payapa kasama ng inyong pamilya at mga mahal sa buhay. Umawit ang mga anghel noong unang Pasko ng “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan, at kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban!” Pero hindi kapayapaan ang naging tugon ni Herodes, kundi galit at kalupitan. Ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito, mula sa gulang na dalawang taon pababa. Hindi ba ganyan din ang nangyayari ngayon? Habang ipinagdiriwang natin ang kapanganakan ng Prinsipe ng Kapayapaan, libu-libong mga bata ang namamatay sa Israel at sa Gaza, dahil sa digmaan. “Tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy” ang maririnig doon. Maraming tao ang nagdurusa dahil sa maling paggamit ng kapangyarihan. Ano ang nararamdaman mo sa pagkakataong ito? Nakikita mo ba ang kawalang-katarungan sa mundo sa paligid mo? Ano ang sinasabi at ipinagagawa ni Hesus sa iyo?  

PANALANGIN

Panginoon, buksan Mo ang aking puso, sa mga pamilyang nahaharap sa kalungkutan. Gabayan Mo ako, upang magbigay ng saya sa gitna ng kanilang luha, at nang masumpungan ka, ang Emmanuel, ang Diyos na lagi naming kasama. Amen.