Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 29, 2023 – BIYERNES – Ika-5 Araw sa Pagdiriwang ng Pasko  | Santo Tomas Becket, obispo at martir

BAGONG UMAGA

Purihin ang Panginoon sa pagpapalang ipinagkaloob Niya kay Simeon matapos ang matagal na panahong paghihintay niya sa Mesiyas.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata dalawa, talata dalawampu’t dalawa hanggang tatlumpu’t lima.

EBANGHELYO: Lk 2:22-35

Nang dumating na ang araw ng paglihis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa Jerusalem para iharap sa Panginoon—tulad ng nakasulat sa Batas ng Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares ng batubatu o dalawang inakay na kalapati. Ngayon, sa Jerusakem may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon… ipinaalam naman ng Espiritu Santo na hindi siya mamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Miseyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin nang mga magulang ang batang Jesus para matupad ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simoen sa kanyang braso at pinuri ang Diyos at sinabi: “Mapapayaon mo ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa bansang pagano at luwalhati sa bayang Israel.” Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at maging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim sa pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo.  Maligayang Pasko sa inyong lahat!  Ngayong ika-limang araw ng Octave of Christmas, narinig natin sa Ebanghelyo ang pagtungo nina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem, kasama ang sanggol na si Hesus, upang tuparin ang seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises. Sa templo, nakatagpo nila si Simeon isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nang makita ang sanggol, napabulalas si Simeon at nagpuri sa Diyos: “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako. Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas, na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa”.  Mga kapatid, tinuturuan tayo ni Simeon ng isang mahalagang aral. Ito ay ang halaga ng pananampalataya at pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos. Ganap na nagtiwala si Simeon na ang Tagapagligtas ay darating, at nangyari nga ito.  (Anong biyaya ang natanggap mo ngayong Pasko?  Anong kahilingan mo ang ipinagkaloob ng Diyos?  Anong pangako ang kanyang tinupad sa iyong buhay?)  Katulad ni Simeon, magpasalamat tayo at magpuri sa Diyos dahil sa kanyang katapatan at pagmamahal sa atin.