Daughters of Saint Paul

ENERO 2, 2024 – Martes bago mag-Epifania | San Basilio Magno at San Gregorio Nacianseno, Obispo at pantas ng Simbahan

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Diyos sa Ikalawang araw ng Bagong Taon.  Ginugunita natin ngayon sina San Basiliong Dakila at San Gregorio Nacianseno, na mga Obispo at pantas ng Simbahan.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Matutunghayan natin ang pagpakilala ni Juan Bautista sa kanyang sarili/ sa harap ng mga pari at levita na umuusisa sa kanyang pagkatao/ sa Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata isa, talata labingsiyam hanggang dalawampu’t walo.

EBANGHELYO: John 1:19-28

Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mga Levita para tanungin siya: “Sino ka ba?” Sinabi niya ang katotohanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “Hindi ako ang Kristo.” Nagtanong naman sila sa kanya:” Ano ka kung gayon?  Si Elias ka ba?” At sinabi: “Hindi.”  Ang propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi!” Kaya sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin.  Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Binanggit niya ang sinabi ni Propeta Isaias, at kanyang sinabi: “Ako ang ‘tinig ng sumisigaw sa ilang, “tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.” Sinugo nga sila ng mga Pariseo.  At kanilang itinanong sa kanya: “At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot si Juan sa kanila: “ Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakikilala.  Dumating siyang kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.

PAGNINILAY

Isinulat ni Rev. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Narinig natin ang pagpakilala ni Juan Bautista ng kanyang sarili, sa harap ng ilang saserdote at Levita, na siya ang tinig na sumisigaw sa ilang, na siya ay nagbibinyag sa tubig – pero, ang lahat ng ito ay paghahanda, at nagtuturo sa tunay na paparating na Mesiyas – si Hesus. Tamang – tama ito sa ikalawang araw ng bagong taon. Ipagdiriwang natin sa darating na Linggo ang Dakilang pagpapakita ng panginoon o ang epiphany. Masisilayan natin tulad ng mga pantas, ang Bagong Silang na Sanggol na si Hesus, ang Emmanuel. Ipinapaalala sa atin ni Juan sa ebanghelyo ngayon, na ituon natin ang ating paningin kay Hesus. Tanging kay Hesus lamang. Si Hesus mismo ang tunay nating hinihintay at hinahanap na Mesiyas. Hindi inaangkin ni Juan ang animo’y kasikatan o katanyagan na maaaring dala ng pagiging Mesiyas. Sa halip, buong katapatan at kapakumbabaan niyang ginagabayan, ang mga naghahanap kay Hesus at itinuturo siya – gaya ng kanyang sinabi sa mga alagad niya – Masdan ninyo ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Mga kapatid, sa panahon natin ngayon, kung saan marami ang nagsasabing tingnan nyo ako, ako ang sikat, sa akin kayo sumunod… tila ipinapaalala ni Juan kung kanino talaga dapat naka tuon ang ating atensyon at sarili. Layunin ni Juan na ibaling ang ating paningin at pagsunod kay Hesus, na siyang tunay na Daan at Kaligtasan. Nawa, tulad ni Juan, maging misyon natin araw-araw, na akayin ang ating kapwa palapit kay Hesus. Amen.