Daughters of Saint Paul

ENERO 9, 2024 – MARTES SA UNANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Nuestro Padre Hesus Nazareno

BAGONG UMAGA

Maligayang Kapistahan ni Nuestro Padre Hesus Nazareno!  Pagbati po sa lahat ng deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno lalo na sa Quiapo Church!  Nawa ang ating debosyon sa Poong Hesus ay maging daan upang makita Siya, na nakikipaglakbay sa atin, sa lahat ng panahon at pagkakataon sa ating buhay. Ito po muli ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata isa, talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t walo.

EBANGHELYO: Mk 1:21-28

Pumunta si Hesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum.  At nagturo sa sinagoga sa Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito:  “Ano ang kailangan mo sa akin, Hesus na taga Nazaret?  Para ipahamak kami kaya ka dumating.  Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.” Ngunit iniutos sa kanya ni Hesus:  “Tumindig ka’t lumabas sa kanya.”  Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas.   Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila:  “Ano ito?  Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.”  At lumaganap ang katanyagan niya sa buong Galilea.   

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa narinig nating Ebanghelyo ang mga tao sa sinagoga’y namangha kay Hesus dahil iba ang kanilang narinig at bago sa kanila ang katuruan ni Hesus. May awtoridad sa pagtuturo ni Hesus, dahil ginagawa niya ang kanyang sinabi. Hesus walks his talk. Madalas, kapag magsasalita o magbibigay ng komento ang isang institusyon o indibidwal, ang una nating tinitingnan, ay ang kanyang integridad at kredibilidad. Kapag hindi naaayon ang sinasabi sa kanyang buhay – kumikilos ng may double standards, nabubuhay sa pagkukunwari, at doble kara – binabatikos natin. Bilang tao, nais nating mabuhay sa tama at katotohanan. Ito ang hamon sa atin, mabuhay nang naaayon sa turo ni Kristo. Hesus’ authority is even acknowledged by the man with an “unclean spirit” saying, “What have you to do with us, Hesus of Nazareth? Have you come to destroy us? I know who you are-the Holy One of God.’ Mga kapatid, tulad ng lalaking inaalihan ng masamang espiritu, tayo rin ay may mga unclean spirits – mga addictions at vices. If we fail to offer these to Hesus, who can liberate us from these forces. They will forever enslave us, and we will forever torment us. Mayroong dalawang kahihinatnan sa paggamit ng awtoridad: Ang mangibabaw (dominate) o ang magpalaya (liberate). Ginagamit ni Hesus ang kanyang awtoridad sa wasto. Pinalalaya niya ang mga tao mula sa kamangmangan, habang itinuro niya sa kanila ang katotohanan. Pinalaya niya ang mga tao mula sa pagkaalipin ng masasamang espiritu, habang malumanay niyang pinagagaling ang mga ito. Ito ang hamon sa atin: Paano gamitin nang responsable ang awtoridad na mayroon tayo – to dominate or liberate? Amen.