BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa biyaya ng panibagong buhay at kalakasan. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pakikinig ng Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata lima, talata isa hanggang dalawampu.
Ebanghelyo: Mk 5:1-20
Dumating si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng mga taga-Gerasa sa kabilang ibayo, at pag-alis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan… Sinabi nga sa kanya ni Jesus: “Lumabas ka sa tao, maruming espiritu.” At nang tanungin siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” sumagot siya, “Hukbo nga ako, marami kasi kami.” At hiningin niya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon. Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga iyom.” At pinahitulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang mga tao para alamin ang nagyari. Pagsakay ni Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang inalihan ng demonyo na isama siya. Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, kundi sinabi niya: “Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipamalita sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo.” Kaya umalis ang tao, at sinimulang ipahayag sa buong lupain ng Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus, at namangha ang lahat.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Evangelina Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Lahat ba ng inaalihan ng evil spirit ay masasamang tao? Meron akong isang kaibigang madasalin, mabait at mapagkawanggawa. Napasukan siya ng evil spirit habang nag-a-attend sa isang meeting. Pansinin ninyo, mga kapatid, hindi lang mga masasamang tao ang nilalapitan ng evil spirit; pati ang mga madasalin at nagsisikap na magpakabait. Alam ninyo kung paano na-set free ang aking kaibigan? Sa loob ng iilang araw, ni-recite niya: “Hesus, I love you,” tuloy tuloy araw gabi! And the mighty name of Hesus freed her! Tayo ay alipin ng ating mga masasamang hilig, at tinutukso palagi ng mundo at ng demonyo. Gusto natin ang victory? Let’s call on Hesus. Siya lang ang may kapangyarihang makapagpalaya sa atin. Speak the mighty name, na ayon kay San Pablo, ang pangalang higit sa anumang pangalan at niluluhuran ng lahat sa langit, sa lupa at sa ilalim ng lupa at ipapahayag ng lahat na dila na si Hesukristo ang Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama. Amen. Hesus, I love you!