Daughters of Saint Paul

Hunyo 17, 2016 BIYERNES Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon Santa Teresa ng Portugal

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito'y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo sana na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso. Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!"

 

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa iyong pang-araw-araw na buhay, napag-isip-isip mo ba kung ano ang tunay na mahalaga sa'yo? Kung ano ang iyong first priority na pinaggugulan mo ng mas maraming panahon? Marahil, marami sa atin ang sasagot ng trabaho. Trabaho ang mas mahalaga sa atin – dahil ito ang pinagkukunan natin ng ikabubuhay. Maraming working mothers ang madalas kung marinig na subsob sila sa trabaho sa opisina, at minsan nag-oovertime pa para kumita ng extra para sa pamilya. Kaya ang tungkulin sa mga anak, ipinauubaya na lamang sa yaya o sa kamag-anak. Ganyan din ang kalagayan ng mga kapatid nating OFWs. Tinitiis nila ang labis na pangungulila sa pamilya para kumita ng mas malaki sa ibang bansa. Sa isang banda, kahanga-hanga at maganda ang kanilang hangaring gawing first priority ang trabaho para sa kinabukasan ng pamilya. Pero ang masakit na resulta nito – estranghero sila sa kanilang mga anak, na di man lang nila nakasama at nagabayan sa kanilang paglaki. Maraming ding bata ang sagana nga sa materyal na bagay dahil sa pagsisikap ng magulang, pero napapariwara din dahil kapos sila sa pagmamahal at paggabay ng kanilang magulang. Mga kapatid, hinahamon tayo ng Panginoon ngayon na suriin ang ating mga priorities sa buhay. Kasama ba ang Diyos sa ating mga priorities? Alalahanin natin, na anumang materyal na bagay na naipundar natin sa lupa, di natin madadala sa kabila. Hilingin natin sa Panginoon ang biyayang mapagtuunang pansin ang tunay na mahalaga sa mundong ito nang hindi masayang ang maikling buhay na ipinahiram Niya sa atin.