Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: "Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak."
PAGNINILAY
Sa Banal na Kasulatan, ang salitang "pagkilala", hindi lamang tumutukoy sa kaalamang nakapaloob sa kaisipan ng tao. Tumutukoy din ito sa malalim na ugnayan ng Diyos sa tao. Hindi lamang ito kaalaman, kundi nakapaloob dito ang pagkakaroon ng kinalaman at pakialam. Kaya nga sa Ebanghelyong ating narinig, nakipag-usap si Jesus sa Kanyang Ama. Nagpasalamat dahil sa pamamagitan niya naibahagi sa sangkatuhan ang pagpapala at pagbibiyaya ng Diyos. Sa ginawang ito ni Jesus, kinikilala Niya ang Ama bilang pinagmulan ng lahat nang nasa Kanya. Ang Kanyang pag-iral sa mundo, ang landas na Kanyang tatahakin, ang lahat ng Kanyang gagawin – isinasangguni lahat sa Ama. Pagsakatuparan ng kalooban ng Ama ang gumagabay sa buo Niyang pagkatao. Mga kapatid, sa konteksto natin ngayon, masasabi rin nating ang pagkilala, salita ng pusong nakaugnay sa kapwa. Mayroon itong malalim na pakikisangkot sa buhay ng tao. Ito ang ugnayan ng Diyos Ama sa kanyang minamahal na Anak. Ito rin ang Kanyang ugnayan sa bawat isa sa atin na itinuturing Niyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-kristo. Sa buhay mo kapatid, kinikilala mo ba ang Ama bilang pinagmulan nang lahat ng tinatamasa mo ngayon? Ang iyong pamilya, hanap-buhay, mga kaibigan, materyal na ari-arian-ang lahat ng ito'y biyayang nagmumula sa Diyos. Biyayang ipinagkaloob sa atin upang maibahagi din sa mga taong nangangailangan. Kaya kaisa ni Jesus, itaas din natin ang ating puso at diwa bilang pagbibigay puri at pasasalamat sa Diyos na pinagmulan ng lahat. Manalangin tayo. Diyos Amang Makapangyarihan, lubos po akong nagpapasalamat sa makalangit na karunungan, na patuloy Mong itinatanim sa aking puso. Salamat po sa kasiyahang aking nadarama, sa tuwing nararanasan ko ang Iyong buhay na presensiya sa lahat ng Iyong nilikha. Kaisa ng Panginoong Jesus, itinataas ko po Sa'yo ang aking taos-pusong pasasalamat. Amen.