Sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagumbuhay: "Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling n'yo, nagsisi na sana silang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, 'itataas ka ba sa Langit? Hindi, itatapon ka sa Kaharian ng mga patay!' Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, narito pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo."
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, nagbabala si Jesus laban sa mga bayan na nakamalas ng kanyang mga himala, pero piniling huwag magbalik-loob sa Diyos. Pahayag lamang ba ito laban sa mga bayan ng Corozain at Bethsaida? O tumutukoy rin ito sa mga panahong hindi natin kinilala ang biyaya ng Diyos sa ating buhay? Mga kapatid, sa iyong personal na buhay, nararamdaman mo ba ang mahiwagang pagkilos ng Panginoon? Noong panahong nalugmok ka sa kalungkutan pero hinango ka ng Diyos mula sa kapahamakan, nagpasalamat ka ba at nagbagong-buhay? Noong baon ka sa kahirapan pero iniligtas ka ng Diyos mula sa mga taong nais sumira sayo, natauhan ka ba at nangakong magpapakabuti na? Kung magiging mulat lamang tayo sa mahiwagang pagkilos ng Panginoon sa ating buhay, sadyang napakarami na pala ng biyayang ating tinanggap. Ang magising sa umaga nang may mabuting kalusugan at kapayapaan ng puso, ang magandang samahan sa loob ng pamilya, opisina at komunidad, ang pananatiling matatag at nakakapit sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok sa buhay – ilan lamang ito sa mga biyayang tinatanggap natin araw-araw mula sa Panginoon. Sinabi nga ng isang tanyag na manunulat na tunay ngang lumalangoy tayo sa dagat ng mga biyaya at pagpapala mula sa Panginoon. Kailangan lamang nating buksan ang ating kamalayan sa presensiya ng Panginoon sa ating buhay na makikita at mararamdaman natin sa Kanyang mga nilikha. Hingin natin ang biyayang makita at maramdaman ang mahiwagang pagkilos ng Panginoon sa ating buhay, at pagkalooban tayo ng pusong mapagpasalamat sa lahat ng biyaya at pagpapalang tinatanggap natin araw-araw. Panginoon, buksan Mo po ang mata ng aking pananampalataya upang makita ang Iyong buhay na presensiya sa lahat ng Iyong nilika. Maging mapagpasalamat nawa ako, sa lahat ng panahon at pagkakataon sa aking buhay. Amen.