PEBRERO 6, 2024 – Martes sa Ikalimang Linggo ng Karaniwang Panahon | San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga kasama, mga martir (Paggunita)
BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo! Ikaanim ngayon ng PEBRERO, ginugunita natin sina San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga kasama na mga martir. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin, hilingin nating lumalim ang ating pag-unawa sa tunay na ninanais at plano ng Diyos sa atin. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Panawagang huwag maging mapagpaimbabaw/ ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin/ ayon kay San Markos kabanata pito, talata isa hanggang Labintatlo.
EBANGHELYO: Mark 7:1-13
Nagkatipon sa paligid ng Hesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, halimbawa’y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas:”Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Hesus:”Tama ang propesiya ni Isaias tunkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat sa ‘Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.’ “Pinababayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.” At sinabi ni Hesus:” Mahusay na pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina,’ at ‘patayin ang sinumang susumpa sa kanyang ama o ina.’ Ngunit sinasabi n’yo sana kung may magsasabi sa kanyang ama o ina, ‘Inialay na ang puwede kong itulong sa inyo,’ wala na siyang magagawang anuman—ayon sa palagay ninyo—para sa kanyang ama at ina. Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili n’yong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Tayong mga Pilipino, malinis sa ating sarili, sa ating katawan. Madalas tayong maligo, yung iba nga dalawa o tatlong beses sa isang araw, lalo na kapag mainit ang panahon. Higit sa tradisyon o pagsunod sa mga iniuutos ng mga nakatatanda, ginagawa natin ang paghuhugas ng kamay o pagpapanatili sa kalinisan sa katawan, dahil nauunawaan natin ang halaga nito, para sa ating pansariling kalusugan.) Sa ating Mabuting Balita, hindi sinasabi ni Hesus na masamang maghugas ng kamay o ang pagsunod sa turo ng mga nakatatanda o ang pagpapanatili sa kalinisan ng katawan. Sinasabi ni Hesus, higitan at lampasan natin ang mapagpaimbabaw na kalinisan, at laliman natin ang ating pag-unawa sa tunay na ninanais at plano ng Diyos sa atin. (Halimbawa, naririnig natin ang Salita ng Diyos araw-araw, nauuunawaan natin ang sinasabi at paanyaya nito, pero malayo naman dito ang ating ginagawa, malayo dito ang ating puso. Malinis na malinis ang kamay – mga kamay na mahilig namang magturo sa pagkukulang at karumihan ng iba.) Mga kapatid, kahit ilang ulit tayong maghugas ng kamay, o magpakita na nagpepenitensya, o magbihis ng malinis na puti, pero kung sa loob at puso naman ay puno ng kasalanan, ng galit at poot, at pag-iimbot, ah, tugmang-tugma ang puna ni Hesus – mga hipokrito! Kaya pinapaalalahan tayo ng ebanghelyo ngayon, na hindi sapat na ipakita natin ang ritwal ng kalinisan, hindi sapat na sumunod lamang tayo sa sinasabi ng tradisyon. Kundi, unawain natin ang kadahilanan at kung ano ang tunay na layon ng kalinisan, ang daan ng ganap na kabanalan, upang makasunod tayo sa Salita ng Diyos, upang makapamuhay tayong mapayapa kasama ang Diyos, upang anyayahan natin ang lahat, na magkaroon ng pusong tunay na dalisay at malinis para sa Diyos. Amen.