BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Miyerkules mga masugid kong tagasubaybay ng programang ito. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng buhay at kalakasan, at sa mga pagpapalang inilaan Niya sa atin sa araw na ito. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang pahayag ni Hesus na, “Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya, kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya.” Pakinggan natin ang kabuuan ng pahayag na ito ng Panginoon sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata pito, talata labing-apat hanggang dalawampu’t tatlo.
EBANGHELYO: Mk 7:14-23
Tinawag ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila: ”Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang may tainga.” Pagkalayo ni Hesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: ”Wala rin ba kayong pang-unawa? Hindi n’yo ba nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok sa tao mula sa labas? Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.” (Sa gayo’y sinabi niya na malinis ang tanang mga pagkain.) At idinagdag niya: ”Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin-kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemma Gamab ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Bigyang pansin at suriin ang mga bagay na nakapagpaparumi sa ating puso at isip. Ito ang hamon sa atin ng ebanghelyo ngayon. Gaya ng masamang pag-iisip, kahalayan, inggit, kapalaluan, kabuktutan at iba pang mga masasamang bagay na nakapagpaparumi sa puso at kaluluwa ng bawat tao. Bilang mga anak ng Diyos at mananampalataya, tinatawagan tayo ni Hesus na mamuhay sa kalinisan at kabanalan. Sa ating Ebanghelyo, tinuturuan tayo ni Hesus ng paraan kung paano mamuhay sa kabanalan at mapalalim ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Manatili tayo sa kanyang presensya upang mas maging matatag sa pag-iwas sa kasalanan, at piliin ang kabutihan. Nagkakaroon lang ng kapangyarihan ang kasalanan, kung pinipili nating sundin ang mga bagay na nakapagpaparumi sa ating puso at isip. Kung kaya’t sa araw araw nating pamumuhay, hilingin natin ang grasya na Diyos, na pagkalooban tayo ng determinasyon na palagiang suriin ang ating budhi, ang nilalaman ng ating puso at isip, upang maiayon natin ito sa kalooban ng Diyos. Mga kapatid dumulog tayo sa Diyos nang may pagpapakumbaba at manalangin. “Likhain Mo sa akin, O Diyos, ang isang malinis na puso, at pagkalooban ako ng isang panibagong Espiritung matatag”. Amen