Daughters of Saint Paul

PEBRERO 9, 2024 – Biyernes sa Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon | Santa Apolonia

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo!  Kumusta po kayo? Kumusta ang pakikipag-ugnayan mo sa Diyos, sa ‘iyong mga kapamilya, at sa kapwa? I hope stay connected kayo, tayo… dahil ito ang layunin ng paglikha ng Diyos sa atin.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagpagaling ni Hesus ng isang lalaking bingi at utal, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata pito, talata tatlumpu’t isa, hanggang tatlumpu’t pito.

EBANGHELYO: Mk 7:31-37

Umalis si Hesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos hindi makapagsalita. At hiniling nila kay Hesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay ni Hesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntong hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan.” Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Hesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: ”Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemma Ria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Isang touch lang at click, nakakapag-communicate na tayo. Sa bilis ng internet, napakadali nating kumunek sa iba.  Easy lang ang pag-access sa maraming bagay. Relate na relate tayo sa salitang “connection”. Marami rin sa atin ang may FOMO o fear of missing out kapag hindi nakasama sa kasunduan.  Kaya madalas sinasabi natin sa loved ones natin, “Keep in touch, ha?” O kaya, “Stay connected”. Ganito tayo nilikha ng Diyos. Bukod pa rito, ang pinakamahalaga, makahulugan at pinagmumulan ng lahat ng koneksyon natin, ay ang ugnayan sa ating Panginoon.  Dahil siya mismo, walang kupas ang pagpapahayag Niya ng sarili sa bawat isa sa atin. Nagpapakikilala Siya sa Kanyang Banal na Salita, nakikipag-usap Siya sa mga personal prayers natin at doon natin malinaw na naririnig ang Kanyang tinig. At ngayon, narinig natin. May ibang paraan kung paanong kumunek ang ating Hesus Maestro sa lalaking utal at bingi. Bukod sa inihiwalay siya sa maraming tao, isinuot Niya ang Kanyang daliri sa tainga ng lalaki, lumura at hinipo naman ang dila. Ginamit Niya ang Kanyang daliri at laway. Daliri, na ang lahat ay makapangyayari. Ang laway naman ay Kanyang sacred fluid.  Ang tagapaghilom na langis ng buhay.  Ganyan ang banal na paraan ng pag-ugnay sa atin ng ating Panginoon.  Sa deep connection natin sa Kanya, magiging mas ready tayo sa mga preventive measures sa ispiritwal na pagkautal at pagkabingi. Ang reason? Dahil nagiging mas receptive tayo sa Kanyang paraan kung paano Niya tayo binibigyang buhay.