BAGONG UMAGA
Mapagpalang Miyerkules ng Abo sa ating lahat mga kapatid kay Kristo. At Happy Valentine’s Day! Araw ngayon ng Pag-aayuno at Abstinensya, hudyat ng pagsisimula ng Panahon ng Kuwaresma. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na natin ang sarili sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata anim, talata isa hanggang anim, at talata labing-anim hanggang labinwalo.
EBANGHELYO: Mt 6:1-6, 16-18
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa… “Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at iyong Amang nakakakita sa nga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n’yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mapagpalang Ash Wednesday, kapatid. Hudyat ito nang apatnapung araw na paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma. Gayunpaman, huwag nating kalilimutan ang higit na hihihingi ng panahon ng kuwaresma: ang makiisa sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus. Tamang tama lamang din, dahil kasabay ng pagdiriwang na ito ay ang pagdiriwang ng Valentine’s Day. Naku, marami ang makakatipid!!! Hahahhahahaha!!! Pero sana huwag nating tipirin ang magdasal, ang magsakripisyo at maging bukas palad na tumulong sa ating kapwa. Ang abo na nasa ating noo, maliban na ito ay paalala na hiram ang buhay, ay maging tanda nawa ng ating tipanan sa Panginoon. Huwag sana itong maging dekorasyon para masabing katoliko ako; sa halip maging tanda nang pagbabalik loob, pagsunod at pagmamahal nang lubos. Amen.