BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Unang Linggo ng Kuwaresma. Pambansang Linggo din ngayon ng mga Migrante. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata isa, talata labindalawa hanggang labinlima.
EBANGHELYO: Mk 1:12-15
Itinulak si Hesus ng Espiritu sa disyerto, at apatnapung araw siyang nanatili sa disyerto. Tinukso siya ni Satanas; kasama niya ang mga hayop, at pinaglingkuran siya ng mga anghel. Pagkadakip kay Juan, pumunta si Hesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagong-buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”
PAGNINILAY
Ang tagpo ng Ebanghelyong narinig natin, ay naganap matapos na tanggapin ni Hesus ang pagbibinyag ni Juan. Itinulak si Hesus ng Espiritu sa disyerto, kung saan nanatili Siya ng apatnapung araw sa panalangin at pag-aayuno. Dito Siya tinukso ni Satanas. Magaling tumayming si Satanas! Kung kailan Siya nagugutom, nauuhaw at nanghihina – siya namang pagpasok niya sa eksena. Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na buhay, malamang ganyan din ang karanasan natin. Kung kailan tayo problemado, nanghihina, naguguluhan at wala nang matakbuhan – siya namang pag-eksena ni Satanas. Lalapit siya sa atin sa anyong mabuti at maganda. Kaya hindi natin pansin ang kanyang masamang hangarin. Mapanlinlang siya! Marami siyang makatwirang dahilang itatanim sa’ting puso para gawin ang isang maling gawaing pinalalabas niyang tama. Halimbawa, ang pagtanggap ng suhol at mga under the table transactions, palalabasin ni satanas na okey lang ito, dahil gagamitin mo namang pampagamot sa iyong anak. O kaya ang isang taxi driver na naiwanan nang pasahero ng malaking halaga sa loob ng taxi, tutuksuhin ka ni Satanas na huwag na itong isauli, total kailangan ng pamilya mo ng pera. O kaya ang mga kabataan at mga magkasintahang nakikipag-sex na hindi naman kasal, sasabihin ni satanas na okey lang ‘yan, dahil ito na ang uso at ginagawa ng karamihan. Mga kapatid, marami pang panunukso si satanas na araw-araw nating nararanasan. Kaya kung hindi tayo nagdarasal, nag-aayuno at nagbabasa ng Salita ng Diyos – malamang, madali tayong mahuhulog sa tukso. Kaya pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon, na sa gitna ng mundong tila isinasantabi ang Diyos, at nananaig ang mapanlinlang na gawain ni Satanas – matindi ang pangangailangang palakasin natin ang ating espiritwal na panlaban. Katulad ng karanasan ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ngayon. Napagtagumpayan Niya ang panunubok ni Satanas, dahil malakas ang Kanyang Espiritwal na panlaban. Magdasal tayo palagi; magbasa ng Salita ng Diyos at pagnilayan itong mabuti, nang maisapuso at maisabuhay natin ito araw-araw. Higit sa lahat, hingin natin ang gabay at patnubay ng Banal na Espiritu na Siyang magsasanggalang sa atin laban sa kasamaan.