BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes sa Unang Linggo ng Kuwaresma. Purihin ang Diyos nating Mapagkalinga at Mapagmahal sa walang-hanggang paglingap Niya sa atin. Nalalaman Niya ang ating mga pangangailangan, bago pa man natin ito hilingin sa panalangin. Kaya manalig tayong tutugunin ng Diyos ang taimtim na hangarin ng ating puso sa panahong Kanyang itinakda. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Anim, talata pito hanggang labinlima.
EBANGHELYO: Mt 6:7-15
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan n’yo bago pa man kayo humingi. “Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. “Kung patatawarin n’yo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi n’yo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Baste Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa narinig nating Mabuting Balita, marahil gustong malaman ng mga alagad ng ating Panginoon, kung ano ang pinaka epektibong dasal. Malamang napansin nila, na may ibat-ibang uri ng dasal ang mga Pariseo at mga Eskriba. Kaya naman binalaan sila ng ating Panginoong Hesukristo: “Sa Panalangin, huwag kayong gagamit ng napakaraming salita, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Huwag ninyo silang tutularan. Dahil alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan, bago pa ninyo hingin sa kanya.” Kaya itinuro ng Panginoong Hesukristo ang dasal na “Ama Namin.” Walang ibang formula na itinuro ang ating Panginoon, kundi ang magtiwala nang buong-buo sa Diyos Ama, at maging masigasig sa pagdarasal sa gitna ng mga distractions sa kapaligiran. Yan ang nilalaman ng dasal na “Ama Namin.” Mga kapatid, kung nakakatulog man tayo sa ating mga panalangin o kaya mawalan ng focus, magpatuloy lang tayo sa pagdarasal. Ang importante huwag tayong magpatalo sa tukso ng katamaran, na wag nang manalangin. Tandaan, kahit ang kawalang gana nating magdasal, ay maaari ding maging isang panalangin, kung iaalay natin ito sa Diyos. (Kagaya ng mga alagad na nagpaturo sa ating Panginoong Hesukristo kung paano manalangin, pwede rin nating sabihin kay Hesus: “Guro, bigyan mo po kami ng lakas na magpatuloy sa aming buhay pananalangin.”)