BAGONG UMAGA
Mapagpalayang araw ng Huwebes sa Unang Linggo ng Kuwaresma. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Ika-dalawampu’t dalawa ngayon ng PEBRERO, Kapistahan ng Luklukan ni San Pedro Apostol! Kung tatanungin natin kung ano ang kahulugan ng ating kapistahan, ito’y ang pagkilala natin kay Pedro bilang kinatawan ng ating Panginoong Hesukristo sa ating Simbahan. Nakabatay ito sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing-anim talata labintatlo hanggang labing-siyam.
EBANGHELYO: Mt 16:13-19
Pumunta si Hesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka, may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga Propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Hesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Cl. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Natural sa ating mga Pilipino ang maging solid na fanbase ng iba’t ibang sikat na artista, mapa-K-pop group man ‘yan o mga lokal na loveteam. Maituturing na die-hard fans nga ang iba sa atin, dahil handa tayong makipagbunuan, makapunta lang sa concert o sa mga iba’t ibang meet-and-greet. Kung tutuusin, mukhang may solid fanbase na rin ang ating Panginoon, sa tagpo ng ating Mabuting Balita ngayon. Kaya siya napatanong, “Sino raw ang Anak ng Tao ayon sa mga tao?” Umani man ito ng mga haka-hakang sagot mula sa mga alagad, tanging si San Pedro lamang ang nakasagot nang tama, hindi dahil nakinig siya sa sabi-sabi, kundi dahil sa kanyang pamamalagi sa piling ni Hesus. Hindi ito sagot na galing sa teolohikal o pilosopikal na pag-iisip, kundi mula sa isang patuloy na pakikipagrelasyon kay Hesus; sa madaling sabi, sagot ito, ng isang tunay na kaibigan ni Hesus. Maging ang pakikipagkaibigan natin sa Diyos ay isang proseso, gaya ng halimbawa ni San Pedro. Hindi man siya laging naging mabuting kaibigan ng Diyos dahil sa kanyang kahinaan, hindi ito naging hadlang sa kanyang pagiging tapat hanggang kamatayan dahil umasa siya sa awa at pag-ibig ni Hesus, ang kanyang guro’t kaibigan. Mga kapatid, pabaya man tayo minsan sa ating pakikipagkaibigan kay Hesus, ang mahalaga ay ang ating hangaring lumalim ang ating pagkilala sa Kanya. Gaya ni San Pedro, nawa’y hindi tayo matinag ng ating mga kahinaan, kundi, mas sumampalataya sa lawak ng habag at awa ni Hesus, ang ating kaibigang ‘di nakalilimot kailanman. Amen.