Daughters of Saint Paul

PEBRERO 23, 2024 – Biyernes sa Unang Linggo ng Kuwaresma | San Policarpio, obispo at martir

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes sa Unang Linggo ng Kuwaresma.  Pasalamatan natin ang Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang lumago sa kabanalan.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang maging ganap sa kabanalan ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin, ayon kay San Mateo kabanata lima, talata dalawampu hanggang dalawampu’t anim.

EBANGHELYO: Mt 5:20-26

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.’ Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialayang iyong hain sa Diyos. “Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t hindi mo nababayaranang kahuli-hulihang sentimo.”    

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemma Gamab ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Paano ba natin mapapanatiling maayos ang ating pakikipag ugnayan sa ibang tao? Mapa relasyon man ito sa ating pamilya, kaibigan o sa ibang mga mahal natin sa buhay. Sa ating paglalakbay ngayong panahon ng kuwaresma, inaanyayahan tayo ng ebanghelyo na pagnilayan at suriing mabuti ang ating relasyon sa kapwa tao. Ang pagiging banal ay di lamang nasusukat sa ating pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.  Ang kaalaman sa mga utos ng Diyos, mga ibat ibang paraan ng pagdarasal at iba pang gawaing banal ay mabuting pamamaraan upang mapabanal ang ating buhay bilang kristiyano at mamamayan, subalit hindi sapat upang masabi natin na tayo ay kalugod lugod sa mata ng Diyos. Ang Diyos ay siyang ating tanging Hukom at nag mamasid sa lahat ng ating mga gawain at balakin. Kung kaya’t ang ating mabuting pakikipag ugnayan sa kapwa, ang pagpapatawad lalong lalo nasa mga taong nakasakit at nakagawa nang masama sa atin ay siyang kalugod lugod na alay sa Dambana ng Diyos. Malinaw na sinabi ni Hesus, “Kaya’t kung mag aalay ka ng handog sa dambana, at doo’y maalala mong may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya, at saka ka magbalik upang ialay ang iyong handog.” Bilang mga Kristiyano at mamamayan nawa’y maghari sa atin ang pag-ibig, awa at katarungan sa ating pagpapatupad at pagsunod sa mga batas at utos ng Diyos.