Daughters of Saint Paul

PEBRERO 24, 2024 – Sabado sa Unang Linggo ng Kuwaresma | San Edilberto ng Kent

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado sa Unang Linggo ng Kuwaresma.  Purihin ang Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataong gumawa ng mabuti sa kapwa – magpatawad at makipagkasundo sa ating kaaway. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Lima talata apatnapu’t tatlo hanggang apatnapu’t walo.

EBANGHELYO: Mt 5:43-48

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala niyo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemma Ria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Pwede mo bang ipicture sa iyong imagination, ang taong dahilan ng pagkulo ng dugo mo? Tapos subukan mo, kung madaling matagpuan ang pagmamahal mo sa kanya. Alam kong mahirap itong maapuhap. Pero may panawagan ang ating Hesus Maestro. Mahalin ang kaaway. If we go deeper sa meaning ng atas ng ating Panginoon, nangangahulugan ito, na ang buhay natin na handog ng Diyos ay “Life in the Spirit”. Ang bawat paghinga natin, pag-iisip, pagbigkas ng salita, pagkilos ay nagmumula at nakaugnay sa Buhay na Espiritu ng Panginoon. Nasusulat sa Katesismo ang Buhay sa Banal na Espiritu. Una, paggalang sa kapwa. Unawain natin ang kanilang pinagdaraanan. May nakatrigger ba sa kanila sa naging asal natin? Duty natin na tumugon sa urgent needs ng iba, di ba? Ikalawa, Pagkakapantay-pantay at pagkakaiba ng bawat isa. Pare-pareho tayong nilikha. Magkakapatid tayong lahat. Maaari na may pareho tayong prinsipyo o values, pero may pagkakaiba rin ang ating ugali, ang ating ways, ang ating mga naging sugat sa nakaraan. Ikatlo, human solidarity o ang pagkakaisa. Mai-aaply natin ito sa pagkakawang-gawa, at tugunang pagmamahalan. Oo, may sarili rin tayong pinagdaraanan, nasasaktan din tayo, nadudurog din ang ating puso. Ang lahat ng ito, mga challenges sa buhay, mga spices of life. Kaya’t inaanyayahan ko kayong bumuntung hininga. Sa bawat hangin na pumapasok sa ating kaibuturan, ito ang hininga ng Diyos. Muli Niyang binubuhay ang ating loob.