EBANGHELYO: Lucas 4:24-30
Pagdating ni Jesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng mga taong nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Serepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong sa Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Datapwat nagdaan siya sa gitna nila at umalis” (v30). Nasa Ika-3rd week of Lent na tayo kapatid, kaya nararamdaman na natin sa mga pagbasa ang umiigting na galit ng mga taga-usig ni Hesus. Sa eksenang ito pa lamang sa v. 30, maaari na sana nilang pinatay si Hesus, pero hindi pa dumating ang kanyang takdang panahon, kaya ligtas syang nakaalis sa gitna nila. It only shows that God is in control of everything. Hindi mamamatay ang Anak ng Diyos, kung hindi ito loloobin ng Diyos Ama. Ang kamatayan ni Hesus sa krus ay isang kusang loob na pag-aalay ng buhay, para sa kanyang minamahal na kawan. Hindi ito pagkatalo, kundi isang tagumpay ng Diyos na mapagmahal at mapanligtas. Kaya lang, kailangan nating sumampalataya sa kanya, upang higit nating maramdaman ang biyayang hatid ni Hesus sa ating buhay. Tulad noong kapanahunan ni Elias at Eliseo, mararamdaman lamang natin ang himala ni Hesus, kung may pananampalataya tayo sa Kanya. Ang kawalan ng tiwala at pananampalataya sa Diyos, ay nagiging hadlang upang gumawa ng himala ang Diyos sa buhay natin. Kung minsan nga, halos hindi natin napapansin ang mga mumunting himala ng Diyos sa ating buhay, dahil napaka ordinary lamang nito. Ganito rin ako minsan. Pero kapag nagdasal ako at nanahimik, doon ko napagtatanto kung paano gumagalaw ang Diyos sa buhay ko.
PANALANGIN
Panginoon, tulungan nyo po kaming mas mapalalim pa ang aming pananampalataya sa Iyo, upang ang iyong paggalaw sa aming buhay ay higit naming matanto. Amen.