EBANGHELYO: Mateo 18:21-35
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” “Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.” Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. “At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. … Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.” Idinagdag ni Jesus: ‘Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Edward Dantis ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang saysay natin at buong pagkatao ay maaring mawalan ng halaga, kapag nawalay tayo sa Diyos dahil sa ating kasalanan, tigas ng puso at hindi pagpapatawad. // Kaya ang bilin ng Panginoong Hesus sa panalanging Ama Namin, “Patawarin Mo kami sa aming mga sala, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin!” Dito naka-angkla ang pagpapatawad natin sa nagkasala sa atin. Una tayong pinatawad ng Diyos, kaya marapat lamang na igawad din natin ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin. Tunay ngang mahabagin ang Panginoon, at mapagbigay sa mga taong mapagpatawad. // Minsan kasi, mas gusto pa nating manatili sa kinasasadlakang dusa. “Lord, dito na lang muna ako ha. Aayusin ko muna ang buhay ko, wag mo na muna akong puntahan. Ang dumi-dumi ko, punong-puno ako ng kasalanan. Pero alam po ba ninyo, na isang hakbang lamang palapit sa kaniya ang kailangan nating gawin? Abot-kamay siya. Lumapit ka lang, siya pa ang tatakbo papalapit sa iyo.