EBANGHELYO: Lucas 11 14-23
Minsa’y nagpapalayas si Jesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsasalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang Kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng iyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung may sandatang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. “Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Minsang naulinigan ko ang isang grupo ng mga kabataang naglalaro sa daanan, sabay sabay nilang sigaw ng malakas kasama ang pagsasama-sama ng mga kamay sa gitna, “kampihan.” Mayroon pa palang mga ganitong bata. Akala ko nasa cellphone at computer na lang sila madalas maglaro. Mula kabataan – marahil hanggang katandaan, madalas ito ang laro ng mundo – kampihan. O sa pula ka ba o sa puti? Sa blue ka ba o sa green? Kakampi ka ba o kakampon?) Isa na marahil sa mabigat na realidad ng buhay, ang pagkakampi-kampihan ng mga tao. Kung hindi ka katulad nila – kung iba ka – itsapwera ka na. Kung medyo weird ka para sa kanila, cancelled ka na. Kung tutuusin, maaari namang sabihin na normal na realidad ng tao ang magkampi-kampi. Lalo na sa malalaking grupo, mayroon at mayroong bubuo ng maliliit na mga pangkat. Kaya nga ang tanong, kanino ka papanig? Doon ka ba sa nang-aapi o sa inaapi, sa mananakit o sa nasasaktan, sa nang-aagaw o sa inaagawan? Mahirap di ba? Ganito rin marahil ang nais sabihin ni Hesus sa ebanghelyo. Nilalagyan siya ng label ng mga tao, kung kaninong pangkat siya nabibilang. Ibinalik niya ang sitwasyon sa kanila. Nililinaw ni Hesus sa atin: Isa lang ang pinapanigan ni Hesus – ito ang panig ng Ama, ang panig ng katotohanan. Isa lang ang kanyang kinakampihan – ang paghahari ng Diyos sa lahat. Isa lang ang kanyang kulay – ang kulay ng kapatawaran, awa at pagmamahal. Kung ako sa iyo, alam ko na kanino ako kakampi, Kay Hesus lang, wala nang iba. Amen.