EBANGHELYO: Lucas 18:9-14
Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao-mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ “Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ “Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Ms. Belen Liboon, isang Pauline collaborator, ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa tuwing haharap tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal o pagsisimba, hindi natin kailangang magkunwari. Hindi natin kailangang ikumpara ang ating mga sarili sa iba, dahil nakikilala ng Diyos ang bawat isa sa atin. Alam niya ang nilalaman ng ating mga puso, bago pa man tayo magsalita. Minsan nga, mas epektibo pa ang konting salita, kaysa sa maraming sinasabi, na kalaunan ay nauuwi na sa pagiging “self-righteous”, gaya ng Pariseo sa ating Ebanghelyo, isang taong matuwid ang tingin sa sarili, pero hinahamak naman ang iba. Mayroong manipis na linya, sa pagitan ng pagiging matuwid at pagiging “self-righteous”. Madalas nakakatawid na tayo sa linyang ito nang hindi natin namamalayan. Sa araw-araw nating pamumuhay, may pagkakataong nakikipagtalo tayo sa ating kapwa, sa kapamilya, sa katrabaho, o sa kaeskwela. Sa ganitong mga pagkakataon, di ba gusto nating “manalo”? Gusto nating tanggapin ng kabilang panig ang punto natin, ang ating opinyon, ang ating pinaniniwalaan, ang ating pinaglalaban. Wala namang masama dito pero ang hindi maganda, kung ang usapan ay nauuwi na sa isang monologue, isang lecture, kung saan iisang tao na lang ang nagsasalita, at hindi na pinakikinggan ang panig ng iba.
PANALANGIN
Panginoon, buksan po ninyo ang sarado naming puso at isipan. Humihingi po kami ng tawad sa mga pagkakataong naging bulag at bingi kami sa katwiran. Amen.