EBANGHELYO: Jn 3:16-21
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. “Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. “Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag pero higit pang minamahal ng tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw.” Si Hesus ang tinutukoy na ilaw sa ating ebanghelyo ngayon ayon kay San Juan. Si Hesus ang ilaw dahil siya ang nagpakilala sa atin sa Diyos na hindi natin nakikita; at siya din ang naghayag ng mga plano ng Diyos para sa atin. Siguro’y madalas mong maitanong sa iyong panalangin: “Panginoon, ano ba ang plano mo para sa akin?” Hindi man natin alam ang bawat detalye ng plano ng Diyos para sa ating buhay, alam naman natin kung saan ang tamang daan, patungo sa mabuting plano ng Diyos sa atin. Dahil siya ang ilaw sa ating mapanganib na daan, ang bawat pagpili natin sa katotohanan at mabuti, ay isang hakbang patungo sa plano ng Diyos sa atin. Anuman ang maging pagsubok sa ating matapat na pagpili sa katotohanan at mabuti, nakasisiguro tayong hindi tayo pababayaan ng gumagabay sa ating daan—si Hesus.
PANALANGIN
O Hesus, tanglawan mo lagi ng iyong katotohanan, ang aking paglalakbay sa mapanganib na daan ng buhay. Amen.