EBANGHELYO: Jn 5:1-16
May piyesta ng mga Judio at umahon si Jesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Sapagkat bumababa paminsan-minsan ang Anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. At ang unang makalusong matapos makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa kahit anong sakit. Naroon ang isang taong ito na nakahandusay at alam miyaa na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang mga maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, lumulusong na ang iba at nauuna na sa akin.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw nga ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinasabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “ Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: “Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Tinanong nila siya: “Sino ba ang nagsabi sa iyong: ‘Magbuhat ka nito at magklakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ito ginawa.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa panahong ito ng kuwaresma, isa sa mga paanyaya sa atin ay ang magsisi sa ating mga kasalanan. Iniimbitahan tayong magpunta sa kumpisalan, at mangumpisal. Naglalayon itong mabigyan tayo ng paghihilom ng mga sugat sa ating puso, sa ating kaluluwa bunga ng ating pagkakasala. Pinagagaling ng Diyos sa tulong ng kumpisal ang ating mga sugat mula sa kasalanan. Pero, gaano ba ako kadalas mangungumpisal? Linggo- linggo, buwan-buwan, taon – taon o araw-araw? Iba-iba ang maaaring sagot dito. Para mo na ring itinanong, gaano ba ako kadalas magkasala? Ngayong kuwaresma, maglaan tayo ng sapat na panahon na magsuri ng ating budhi. (At kapag natukoy na natin ang ating mga pagkukulang at kasalanan sa Diyos at sa ating kapwa,) magtungo tayo sa klinika de kumpisalan, at lumapit sa ating Banal na Manggagamot – Si Hesus mismo. Humingi ng tawad at awa. At kung magaling ka na, sana laging dinggin ang Kanyang paalala – Magaling ka na, huwag ka na muling magkakasala pa. Amen.