EBANGHELYO: Jn 8:1-11
Pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya, nagaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babae, na huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi kay Jesus: “Guro, hulinh-huli ang babaeng ito sa pakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang mga ganitong babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanaya upang may maisakdal sila laban sa kanya. Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa gamit ang kanyang mga daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig naman ay isa-isang nag-alisan magmula sa matatanda, at siya’y naiwang mag-isa pati na ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba isa iyo?” At sumagot siya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayon, huwag ka nang magkasala pa.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Ms. Belen Liboon, isang Pauline collaborator ang pagninilay sa ebanghelyo. Ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya, ang totoong kwento sa likod ng Ebanghelyo ngayon ay hindi naman tungkol sa babaeng nahuli sa pangangalunya, kundi tungkol ito sa patibong ng mga Pariseo para kay Hesus. Isang laro tungkol sa usaping legal, kung paano ba dapat parusahan ang taong nagkasala. Kung sasagot si Hesus na “Dapat, batuhin ang babaeng nangalunya”, taliwas ito sa pinangangaral nyang pagpapatawad. Pero kapag sasagot naman siya na, “Hindi dapat batuhin”, lalabas naman siyang lumalabag sa kautusan ni Moises. Pinili ni Hesus na hindi sumagot, pero hindi pa rin siya tinigilan ng mga Pariseo, kaya sinabi niya sa kanila. “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan, ang maunang bumato.” Hindi sila nakasagot at umalis silang talunan, dahil pinagtaksilan sila ng sarili nilang kasalanan. Bilang mga ordinaryong manananampalataya, tingnan natin ang Ebanghelyo sa panahon natin ngayon. Sa panahon ng social media at makabagong paraan ng komunikasyon, madali na ang magpahayag ng sariling opinyon. Marami na ang nagiging mga “modernong Pariseo”. Sila ang mga tinaguriang “Bashers” o “Cyberbullies”. Lagi silang may negatibong komento sa anumang taliwas sa kanilang sariling pamantayan. Kadalasan nauuwi ito sa pagkasira ng buhay ng iba. Kahit na may karapatan tayo sa malayang pamamahayag, isipin pa rin natin na may kaakibat itong responsibilidad.
PANALANGIN
Panginoon, patawarin po ninyo kami sa mga pagkakataong naging dahilan kami ng pagkasira ng buhay ng iba at ng aming mga sarili. Tulungan po ninyo kaming bumangon sa aming mga kasalanan at pagkakamali. Amen.