Daughters of Saint Paul

MARSO 19, 2024 –  Martes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma   

EBANGHELYO: Lc 2:41–51


Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.