Daughters of Saint Paul

MARSO 22, 2024 –  Biyernes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma      

EBANGHELYO: Jn 10:31-42

Dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin si Jesus. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung ba’t n’yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: ‘Aking sinabi,” mga Diyos kayo” ‘? Kaya tinawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos—ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo –bakit n’yo sinasabing paglapastangan ito? Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Jesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang naniwala sa kanya.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Fr. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Lagi nating nababasa ang bahaging ito ng ebanghelyo, na tinangka ng mga taong batuhin si Hesus, dahil para sa kanila ipinapantay niya ‘di umano, ang kanyang sarili sa Diyos. Mauunawaan natin ito nang mas malinaw, kung titignan natin ang kultura ng mga Hudyo. Isang napakalaking pagkakasala para sa kanila ang angkinin ang pagiging Diyos, dahil iisa lamang ang Diyos. Ang pambabato ang isa sa mga paraan ng kaparusahan sa kanilang panahon. Kaya nga kung may mga ganitong pagkakataon, binabato nila ang mga may pagkakasala. (Pero alam nating lahat na hindi nagpapanggap si Hesus. Alam natin na siya at ang Ama ay iisa. Na siya ang Anak ng Diyos. Marahil mayroon ding ganitong pakiramdam ang mga taong muntik nang bumato kay Hesus. Hindi nila maituloy-tuloy dahil nakikilala nila siya, at nakita nila ang mga kagila-gilalas niyang ginawang himala. Naranasan nila ang pagpapagaling sa mga may sakit, ang pagsasalita ng mga pipi, ang pagkakarinig ng bingi at maging pagkakita ng mga bulag. Higit sa lahat, nakita nila mismo ang muling pagkabuhay ng namatay. Alam ng mga Hudyo na mga tanda ito ng Kapangyarihan at Gawa ng Diyos at ng Mesiyas na ipinangako. Handa na silang bumato, pero hindi nila maipukol-pukol dahil natatakot din sila – Hindi nila kayang batuhin ang Diyos. Kaya nga nagpatuloy pa rin si Hesus.  Pero kahit batuhin pa nila si Hesus, hindi siya titigil sabihin ang katotohanan at ipahayag ang paghahari ng Diyos sa sanlibutan.)  Sa ating panahon ngayon, mahilig tayong bumato ng maraming problema at paratang sa Diyos. Minsan grabe tayo pumukol ng kasalanan, na labis na ikinasusugat ng puso ng Diyos. (Hindi natin napapansin ang dakila niyang awa at gawa, na nasa paligid natin, mga araw-araw na himala mula sa pagsikat ng bagong araw, hanggang sa paggaling sa mga karamdaman. Hindi natin makita dahil binubulag tayo ng katigasan ng puso, kasalanan at takot.)  Sa papalapit na mga mahal na araw, ipakikita at ipapaalala sa atin ng Diyos na kahit ilang beses natin siyang batuhin, pukulin, lumatay man ang daang latigo sa kanyang katawan, tatanggapin niyang lahat. Dahil kahit kailan, hindi niya iiwan ang kanyang minamahal na sambayanan. Hindi siya titigil, ni hindi mapapagod, lagi niyang ituturo ang daan ng kapatawaran at kapayapaan tungo sa buhay na walang hanggan.