EBANGHELYO: Jn 12:1-11
Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Naglilingkod si Marta at si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Jesus. Kinuha ni Maria ang isang libra ng mamahaling pabangong mula sa tunay na nardo at pinahiran niya ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa nito. Napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano ito? Maipagbibili sana ang pabangong ito sa halagang tatlundaang denaryo para maibigay sa mga dukha.” Sinabi niya ito, hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; hawak niya ang pananalapi at nangungupit doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Bayaan mo na siya; inilaan na niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha, ngunit hindi ninyo ako laging kasama.” Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi dahil lamang kaya Jesus kundi upang makita nila si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay. Pinag-usapan naman ng mga Punong-pari ang pagpatay pati na kay lazaro, sapagkat marami sa Judio ang lumilisan dahil sa kanya at naniniwala kay Jesus.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ano ba ang kaya nating ibigay o pakawalan na (let go) para sa pagmamahal? Nung nagbigay ng opinion si Judas sa ginawa ni Maria, ipinakita niya ang klase ng pag-iisip at pagkatao niya. Hindi niya maintindihan ang animo’y pagsasayang ni Maria sa mamahaling pabango na ibinuhos lang sa paa ni Hesus, at pinunasan pa ito ng buhok niya mismo. Malungkot na isiping sinayang ni Judas ang pagkakataong magkasama sila ni Hesus. At dahil nilamon siya ng pagkaganid at kasamaan, hindi niya na maintindihan ang mga dapat mangyari, para matupad ni Hesus ang kanyang misyon. Ngayong nasa mahalagang panahon na tayo ng Semana Santa, nawa’y bigyan natin ng panahon na pagnilayan at idulog sa panalangin, ang mga bagay na nagpapatigas ng ating puso at nagpapalabo ng ating isipan para makita at maramdaman ang nais ng Diyos sa atin. Nawa’y maging bukas tayo sa grasyang, harapin ang mga hadlang sa lubos na pagbabalik loob natin sa Diyos. Pagpapakumbabang humingi ng tawad, para malaya sa mga hadlang, na maipakita ang higit at lubos na pagmamahal sa iba, tulad ng pagmamahal ng Diyos sa atin.