EBANGHELYO: Mt 26:14-25
Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo? Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Ms. Belen Liboon, isang Pauline collaborator, ang pagninilay sa ebanghelyo. Si Hesus ay nakatakdang mamatay sa krus para tubusin ang ating mga kasalanan. Ito ang kalooban ng Diyos Ama, at ang pangunahing dahilan ng pagparito Niya sa daigdig. Pero para maisakatuparan ito, at mapagtibay pa ang akusasyon ng mga Pariseo laban kay Hesus, kailangang may magtakwil sa kanya – isang taong malapit sa kanya. Kahit sino naman sa labindalawang apostol ang pwedeng magkanulo kay Hesus; pero si Judas Iscariote ang pinakamalapit sa tukso, dahil siya ang may hawak ng pondo ng kanilang samahan. (Bilang ingat-yaman o treasurer, natural lang na pera ang kanyang pangunahing alalahanin. Si Hesus, para sa kanya ay isang investment, na itinaya niya sa halagang tatlumpung pirasong pilak. Si Hesus para kay Judas ay matalino at makapangyarihan. Naniniwala siyang, kayang-kayang lusutan ni Hesus ang mga Pariseo, pero alam naman natin na iba ang nangyari.) Hindi lubos na naunawaan ni Judas ang totoong misyon ni Hesus, at ang plano ng Diyos, kaya siya ang naging “kontrabida” sa kasaysayan ng Kaligtasan. Alam ni Hesus na mangyayari ito kay Judas, at nais sana niyang bigyan pa ito ng pagkakataong magbago ng isip. Binigyan Niya ng babala si Judas, nang sabihin niyang “kahabag-habag ang taong magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.” Kapatid, huwag nating tularan si Judas. Unawain natin ang sinasabi ni Hesus. Pakinggan ang bulong ng Espiritu Santo sa ating mga puso.
PANALANGIN
Halina, Espiritung Banal, bigyang liwanag ang mga isipang naguguluhan. Patahimikin ang mga pusong nangangamba, at ihanda kaming papasukin si Hesus sa aming buhay. Amen.