Daughters of Saint Paul

Abril 9, 2024 – Martes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 3:7b-15

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka dahil sinabi ko na kailangan n’yong isilang mula sa itaas. Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.” Sumagot si Nicodemo sa kanya: “Paano pupuwede ang mga ito?” Sinabi ni Jesus sa kanya: “Guro ng Israel ka pa naman, at hindi mo alam? “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: alam namin ang aming sinasabi at pinatototohanan namin ang aming nakita, at hindi pa n’yo tinatanggap ang aming patotoo. Hindi kayo naniniwala kung mga bagay sa lupa ang sinasabi ko sa inyo, kaya paano kayo maniniwala kung mga bagay sa Langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit—ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.”

Pagninilay:

Mula sa panulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sinasabi ng isang manunulat, na sa makabagong panahon ngayon, ang magiging sukatan ng galing at talino ng isang tao, ay kung paano nya matututunan muli, ang mga bagay na alam na nya dati pa. Kung kaya niyang i-unlearn o isantabi ang lahat ng kanyang natutunan noon, at pag-aaralang muli nang may bukas na kaisipan, ang mga bagay sa kasalukuyan. Dahil kung hindi, magiging outdated tayo, maiiwan, at maluluma tayo ng panahon.  Ganito marahil ang naging dilemma ni Nicodemo sa ating Ebanghelyo ngayon. Kung paano niya maiintindihan ang mga turo ni Hesus, hindi dahil sa wala syang alam, kundi dahil sa kanyang taglay na kaalaman. Isang Pariseo si Nicodemo. Alam nya ang kasulatan at batas, higit pa marahil sa ordinaryong hudyo. Pero ang kanyang kaalaman ang humahadlang upang magkaroon siya ng ugnayan kay Hesus. Kaya iniimbitahan siya ni Hesus na makaranas ng muling pagsilang, to be born again. Hindi ito yung sekta, kundi ito ang kinakailangan, upang makatawid mula sa lumang kaisipan, patungo sa bagong relasyon sa Diyos. Isang bagong pananaw, isang bago at bukas na kaisipan, isang bagong pagkatao. Katulad ng halimbawa ni Hesus, na kung paanong itinaas ang tansong ahas sa lumang tipan, ganun din naman sa bagong pagtataas na magaganap kay Hesus.  Mga kapatid, isa sa mga biyaya ng muling pagkabuhay ni Hesus, ay ang bagong simula para sa atin. Kung paano natin pinapanibago ang ating mga pangako sa binyag, at nalinis mula sa tubig ng sakramentong ito. Isang pagsilang muli, bilang mga anak ng pagkabuhay. Pero upang makamit ito, kailangan muna nating mamatay sa makalumang kaisipan, gawain at pamumuhay. At maging bagong nilikhang kasama at kawangis ni Hesus. Amen.