Daughters of Saint Paul

Abril 10, 2024 – Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo:  Jn 3:16-21

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. “Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. “Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag pero higit pang minamahal ng tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”

Pagninilay

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang ating Mabuting Balita ngayon ay naglalarawan ng dakilang pagmamahal ng Diyos Ama sa buong sangkatauhan.  Ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sumampalataya ay hindi mahatulan, kundi sa pamamagitan Nya ay maligtas ang daigdig. Mga kapatid, ang pananampalataya ay isang regalo sa ating lahat. At kalakip ng regalong ito, ang handog na kalayaan.  Malaya tayong yakapin o balewalain ang pananampalatayang handog sa atin ng Diyos. Sa pagbibigay sa atin ng bugtong na Anak ng Diyos, binigyan tayo ng liwanag.  Pero ang nakakalungkot, marami sa atin ang piniling manatili sa dilim at nahulog sa kasalanan. Sabi nga ni Mahatma Gandhi, Darkness cannot drive out darkness: only light can do that. Kung sa pang araw- araw nating buhay ang init ng ulo ang pinaiiral natin, hindi ito makalulutas ng isa pang mainit ang ulo. Sa buhay may- asawa halimbawa, kung si misis ay galit na galit, harinawang si mister ay maging mahinahon, at hindi papatulan ang galit ni misis. Pansinin natin, na kadalasan ang kasamaan o karahasan, ay nangyayari sa gabi, kung saan laganap ang dilim, at hirap tayong makakita sa dilim.  Sa pagkakataong ito, kailangan natin ang matibay na determinasyon na piliin ang liwanag at manatili sa liwanag. Ayon pa kay Martin Luther King “In the midst of darkness, light persists. Sa bawat kadiliman, may munting liwanag tayong mababanaagan. 

Panalangin

Panginoon, bigyan Mo nawa kaming lagi ng lakas ng loob, na piliing tahakin ang landas ng liwanag. Ang Iyong salita ay tiyak na gagabay sa amin, upang manatili sa liwanag. Maging matatag nawa kami sa pagharap ng maraming tuksong dumarating sa aming buhay. Amen.