Daughters of Saint Paul

Abril 12, 2024 – Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 6:1-15  

Nagpunta si Jesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad niya; malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatingala ni Jesus, nakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito? Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam na niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon at sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao. Kaya kumuha ng mga tinapay si Jesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin n’yo ang mga natirang piraso upang walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.” At alam ni Jesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin.

Pagninilay:

Isinulat ni Fr. Mikhael Sandoval ng Archdiocese ng Lipa ang pagninilay sa ebanghelyo.  Tayong lahat ay makakapagpatunay na may himala kapag tayo ay tumatanggap ng pagpapala. Mangyayari ang himala, kapag nagsama ang Kanyang Pagpapala at ang ating pagtitiwala. Kaya nga ang paanyaya ng Mabuting Balita, hindi na mahalaga na tayo ang makilala, kundi ang Diyos dapat ang makilala. Ibinibigay niyang halimbawa sa Mabuting Balita ang isang bata, na may dalang tinapay at isda na pinakain sa madla. Kaya hindi natin pwedeng sabihing tayo ay walang-wala, dahil sa simula’t simula pa, nag-uumapaw na ang kanyang biyaya at pagpapala. Gayundin naman, hindi rin dapat natin binabale-wala ang kakayanang sa atin ay ipinagkatiwala. Kaya pagsumikapan nating pagyamanin ito, at manalig na lahat ay makakatanggap ng gantimpala mula sa Diyos na Dakila, kung bawat isa ay makikita ang Kaligtasang dala ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Isang napakagandang Biyaya at Pagpapala na sa kanya lagi magtitiwala.