Daughters of Saint Paul

Abril 17, 2024 – Miyerkules sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 6:35-40

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala. “Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. “Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng akingAma: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ano ba ang sinisimbolo ng tinapay? Ito ay pantawid gutom, nagbibigay sa atin ng lakas at buhay, ‘di ba? Marahil, para sa ating mga Filipino, ang tinapay ay di kasing importante ng kanin. Pero di natin maitatatwa na ang tinapay, katulad ng kanin ay isa ring staple food, and has an important function to nourish our body and keep us alive. (Alam ninyo, mahilig akong magluto at mag bake ng cake at bread, paminsan-minsan. Simple lang naman ang baking skills ko. Hindi maikukumpara sa mga skilled bakers whose beautiful creations we usually see uploaded on social media. Pero ang isang bagay na nagpapataba sa puso ng isang cook o baker ay, kung ang kanyang niluluto o bine bake ay nagugustuhan ng mga kumakain nito. Gayunpaman, kahit napaka excellent ng isang baker or cook, at gaano man kasarap ang pagkain na kanyang niluto, ito ay nasisira at napapanis din after some time, ‘di ba?)  Sabi ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon: “Ako ang tinapay ng buhay…”   Ano ang gustong iparating ni Hesus sa atin sa mga katagang ito? Ito ay isang paalaala sa atin na si Hesus ang bukal ng buhay, at siya lamang ang tagapag-alaga ng ating espirituwal at pisikal na buhay. Isa rin itong paanyaya sa ating lahat, na lumapit sa kanya dahil siya lamang ang tunay na pagkain, na magbibigay sa atin ng lakas, upang malabanan at mapagtagumpayan ang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay. Sa banal na Eukaristiya, ibinabahagi ni Hesus ang kanyang sarili, bilang tinapay ng buhay.  Sa pamamagitan ng banal na Eukaristiya, binubusog ni Hesus ang ating kaluluwa ng kanyang sacramental presence, nananahan siya sa ating puso, at pinupuspos ang ating buong pagkatao ng kanyang walang hanggang biyaya at pagmamahal.