Ebanghelyo: Jn 6:44-51
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: ‘tuturuan nga silang lahat ng Diyos.’ Kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin. “Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang-hanggan ang naniniwala sa akin. “Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
Pagninilay:
Isinulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Isa sa mga paratang sa mga unang taga-sunod ni Kristo, ay ang krimen ng kanibalismo. Ito ay ang pagkain ng laman ng kapwa tao. Kaya ikinukulong o ipinapapatay ang sinumang matagpuan na miyembro ng samahang ito. Ayon sa mga kumakalat na usap-usapan o tsismis sa emperyo noon, ang mga unang Kristiyano ay nagtitipon upang kainin ang laman ng kanilang Diyos at inumin ang kanyang dugo. Ganito din marahil ang iskandalong naranasan ng mga Hudyo na nakikinig kay Hesus, noong sabihin niyang ang pagkain na ibibigay niya, ang pagkaing magbibigay buhay ay ang kanyang laman. Batid ng mga Hudyo ang tinutukoy ni Hesus na manna, o yung tinapay na nagsustena sa kanilang mga ninuno noong naglalakbay sila sa Disyerto sa loob ng apatnapung taon. At kung paano ito nagbigay buhay at nagsustena sa kanila, ganito din sinasabi ni Hesus sa mga nakikinig sa kanya, kung paano ang kanyang katawan ay magbibigay buhay. Pero, hindi ba’t ito ang nangyayari sa bawat pagtanggap natin ng komunyon? Literal na tinatanggap natin ang buhay na katawan at dugo ng ating Panginoon. At ito ang paraan ng ating pakikipagkaisa kay Hesus. Ganoon kalapit, ganoon ka-personal. Kaya nga komunyon ang tawag natin dito, communion, pakikipagkaisa. Tayo ay nagiging kaisa ni Kristo at sa pamamagitan nito, nagkakaroon tayo ng ugnayan sa Ama. Nawa sa bawat komunyon na ating tinatanggap, magpatibay nawa ito sa ating pakikipagkaisa kay Kristo at tunay na magbigay buhay sa atin.