Ebanghelyo: Jn 6:52-59
Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne para kainin?” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw. “Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama at may buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin. “Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Binigyang diin sa Mabuting Balita ngayon, ang kahalagahan ng pagtanggap natin sa katawan at dugo ng ating Panginoong Hesus, sa Banal na komunyon. Sinabi Niya, na ang sinumang hindi kakain ng laman ng Anak ng Tao, at hindi iinom ng kanyang dugo, hindi magkakaroon ng buhay. Mga kapatid, sa ating buhay pananampalataya may mga bagay na hindi kayang maunawaan ng ating isipan, pero kayang damhin ng ating puso. Sa pagtanggap natin sa banal na katawan at dugo ng ating Panginoong Hesus, matapos ang isang maayos na pagbabalik loob sa Diyos sa kumpisal, mapapansin natin na lumalakas tayo sa lahat ng bagay, lalo na sa pisikal at espiritwal na aspeto ng ating buhay. Ugaliin nawa natin ang regular na pagkukumpisal, upang may malinis na puso tayong tanggapin ang ating Panginoong Hesus. Kung malapit tayo sa ating Panginoong Hesus, at may maayos na pakikipag-ugnayan sa Kanya, madarama ito ng ating mga kasama sa tahanan, pamilya, kamag-anak at mga kaibigan. Malay mo, sila din ay mahikayat na magkaroon ng mabuting ugnayan sa ating Panginoong Hesus, dahil sa’yong pagsaksi sa buhay na pananatili ng Diyos sa’yong salita at gawa. Maging daluyan nawa tayo ng biyaya ng Diyos sa ating kapwa, at maging kamanlalakbay tungo sa walang hanggang buhay.
Panalangin
Panginoon Hesus, salamat po sa pagkakaloob Mo sa amin ng Iyong katawan at dugo sa Banal na Eukaristiya. Manatili nawa kaming matatag sa aming pananampalataya. Maging larawan nawa kami at gabay ng pagsunod sa Iyo ng aming kapwa sa tulong ng iyong mga biyaya. Amen