Daughters of Saint Paul

Abril 20, 2024 – Sabado sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo:  Jn 6:60-69

Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan…? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At dinugtong niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto ba rin ninyong umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”

Pagninilay:

Isinulat ni Amiel Mercado Ilandag, isang Pauline cooperator, ang pagninilay sa ebanghelyo.  Tatalikuran ba natin si Hesus dahil hindi natin maunawaan ang mga turo ng simbahan? O tatalikod ba tayo, dahil hindi tayo sang-ayon sa ilan dito? // Marahil hindi pa ganun katibay ang ating paniniwala, kaya sa kakaunting pagsubok pa lamang, agad na nating lilisanin ang pag-ibig niya. Oo, pag-ibig. Dahil si Hesus ay naparito upang tayong lahat ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. // Paano ka tumutugon sa tawag nya? Ano ang iyong ginagawa sa Kanyang mga salitang nagbibigay buhay? Mga kapatid, sa pamamagitan ng araw-araw na pakikinig at pagbabasa ng kanyang salita, nabibigyan tayo ng grasya upang si Hesus ay makilala. Napakahalaga ng bawat sandali na ating ginugugol upang maunawaan natin siya ng lubos.  Pagbabasa ng Bibliya, pag attend ng Misa, at panonood ng mga spiritual na mga programa, ang ilan lamang sa mga paraan upang makilala natin si Hesus.  Maliban dyan, may isa pang sikreto upang makapiling si Hesus sa bawat araw. Ang pagdarasal ng Santo Rosaryo. (Dahil, maliban sa mga disipulo niya, ang ating Mahal na Ina, ang Birheng Maria ang higit na nakakaalam kung ano nga ba ng nasa puso ni Hesus.  Sa ating pagninilay ng bawat misteryo ng Santo Rosaryo, ating nakakasama si Hesus sa bawat parte ng kanyang buhay. Sa pamamagitan nito, atin siyang masasabayan at mas mauunawaan. Si Maria ang kanyang instrumento upang tayo ay mapalapit sa kanya.  Sa pamamagitan ni Maria, hindi natin iiwanan si Hesus. Sa bawat Ave Maria ay makikita natin ang pag-ibig niya. Tayo ay lalago sa ating buhay Kristiyano at sa kalaunan ay magiging banal.) “To Jesus, through Mary.” Isang tiyak na daan upang masambit ang mga salitang “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.”

Panalangin

Ama, sa tulong ni Maria, nawa’y aming maunawan ang Iyong mga salitang nagbibigay buhay na walang hanggan. Amen.