Daughters of Saint Paul

Abril 23, 2024 – Martes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 10:22-30

Piyesta ng pagtatalaga sa Jerusalem, at taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang tahasan.” Isinagot sa kanila ni Jesus: “Sinabi ko na inyo pero ayaw ninyong maniwala. Nagpapatotoo sa akin ang mga gawang ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama. Subalit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. “Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.”

Pagninilay:

Mula sa panulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Mahirap pong pagsabihan ang mga taong mas marunong pa sayo. Kadalasan nga ay nagmamarunong lang naman talaga. Mahirap ding kumbinsihin ang taong papilit pa. Yun bang wala naman talaga siyang intension maniwala. Gusto lang ng bangayan.  Mga kapatid, ganun po ang nangyari kay Hesus at sa mga Judio sa ating mabuting balita. Marahil sila man ay naguguluhan na din kung sino ba itong si Hesus? Kinikilala namin ang kanyang mabuting gawa, pero ang kanyang pagkatao o pagka-Diyos hindi namin kikilalanin…   Kung kilala mo ang iyong sarili, hindi mo na kailangang ipagpilitan pa ito sa iba. Hayaan mong ang iyong salita at gawa ang magbunyag ng iyong pagkakakilanlan. Tulad ng ating Panginoong Hesus, magkaroon din nawa tayo ng malinaw na pananaw sa sarili, paninindigan, upang tayo rin maipahayag na Siya’y ating tunay na Diyos.

Panalangin

Panginoon, bigyan Mo po ako ng kababaang-loob na makilala ang aking sarili.  Maging bukas nawa ako sa iyong grasya ng paghilom.  Tulungan Mo po akong baguhin ang pag-uugali kong taliwas sa’yong mahal na kalooban, Amen.