Daughters of Saint Paul

Abril 24, 2024 – Miyerkules sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay     

Ebanghelyo: Jn 12:44-50

Malakas na sinabi ni Jesus: “Ang naniniwala sa akin ay hindi sa akin naniniwala kundi sa nagsugo sa akin. Ang nakakasaksi sa akin ay nakakasaksi sa nagsugo sa akin. “Dumating ako sa mundo bilang liwanag upang hindi sa dilim manatili ang bawat naniniwala sa akin. Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya, sapagkat hindi ako dumating upang hukuman ang mundo kundi upang iligtas ang mundo. “May huhukom sa bumabalewala sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita. Ang salitang binigkas ko ang huhukom sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili; ang nagsugo sa akin, ang Ama, siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at paano ako magsasalita. Alam ko na buhay na walang hanggan ang utos niya. Kaya lahat ng binibigkas ko’y binibigkas ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.”

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Si Hesus Maestro ang ilaw ng sanlibutan at hindi mananatili sa kadiliman ang nananalig sa Kanya. Isa sa mga tanda ng Liwanag na dulot ng ating Hesus Maestro ay ang ating “conscience” o budhi.  Ang konsensya, handog ni Lord sa atin. Siya ang kislap ng inner voice na nag-uudyok sa atin na gumawa ng mabuti at maiwasan ang masama by all means.  Kapag sinabi natin na “it is against my conscience.”  Para na rin nating sinasabi na “Hindi ko ito kayang gawin sa harap ng Liwanag ng aking Tagapaglikha.” Kung tutuusin, ang sinumang hindi nakikinig sa sariling budhi, lumalabag sa dignidad natin bilang tao at bilang anak ng Diyos. Kaya’t nararapat lang na hulmahin ang ating budhi at kamalayan. Sa tulong ng liwanag ng ating Hesus Maestro, i-wewelcome niya tayo sa School of Conscience. Ito ang magbibigay ng direksyon sa ating buhay. Una, ang self-criticism, pansinin at aminin kung namamali na ang ating iniisip, sinasabi at ginagawa, at ibalik sa tama. Gawin nating reference ang Liwanag ng Salita ng Diyos at ang Liwanag ng mga Turo ng ating Simbahan. Ikalawa ay ang reorientation. Kung ano ang narinig, natutuhan at nakasanayan natin mula nang bata pa tayo, ito ang basehan ng ating mga decisions at actions. Kung hindi naging tama ang orientation sa atin, kaya pa nating i-restore. Kaya’t lagi tayong magbabad sa liwanag ng ating Banal na Tagapagturo. Sa self-criticism at reorientation, liliwanag din tayo sa loob at labas ng ating pagkatao.