Daughters of Saint Paul

Abril 26, 2024 – Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 14:1-6

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. “At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Dumarating sa buhay natin ang mga pagkakataong nababalisa tayo o natatakot, dahil sa mga problemang nararanasan natin sa buhay. Maraming uri ng problema na pwedeng magdala ng takot sa ating puso. Problemang pinansyal, problema sa relationship, problema sa pag-aaral, sa health, sa work, problema sa pamilya, at iba pa, na pwedeng pagmulan ng takot at pagkabalisa, na makaka apekto sa ating pagkatao at sa ating pananampalataya sa Poong Maykapal. Mga kapatid, alalahanin nating, tanging si Hesus lamang ang ating makakapitan, sa panahon ng kagipitan. Tumawag lamang tayo sa Panginoon nang buong kababaang loob, tiyak na hindi niya tayo bibiguin. Diringgin niya ang ating panalangin, at nababatid niya ang hinaing ng ating puso.  Kaya pinapa alalahanan niya tayo sa Mabuting Balita ngayon, na panaigin ang ating pagtitiwala sa kanya, at payabungin ang ating pananalig sa kanyang walang hanggang pagmamahal at pagkalinga sa atin. (Naalala ko ang kuwento ni Jonathan Roumie, yung star na gumaganap na Jesus sa “The Chosen.” Bago siya naging lead actor sa “The Chosen” at sumikat dahil dito, he was a struggling actor.  Down na down siya, walang perang panggastos at pambayad sa rent. Pakiramdam niya talaga, nasa dead-end na siya. Sa puntong iyong ng kanyang buhay, tanging ang pananalig niya sa Diyos ang kanyang pinanghawakan. Nanalangin siya ng mataimtim at sinurrender niya sa Diyos ang kanyang buhay.  To make the long story short, nakatanggap nga siya ng offer na gampanan ang the lead role ng “The Chosen.” Mga kapatid, huwag matakot, huwag mabalisa. Si Hesus ang ating daan, ang katotohanan, at ang buhay…