Daughters of Saint Paul

Abril 29, 2024 – Lunes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 14:21-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.” Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipapakita ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Jesus at nagwika sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat. Siya ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko, at itututro niya sa inyo ang lahat at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.”

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Noong bagong pasok ako sa kumbento, ang madalas na pumapasok sa aking isipan ay ang mga sandali na nag-uusap kami ni Tatay. Dahil dalawang taon akong nahinto sa pag-aaral, sa kakulangan ng pera matapos ang high school, madalas sa gabi ay nag-uusap kami ni Tatay. Doon ko nakita ang lalim ng karunungang meron si Tatay. Marami siyang words of wisdom, lalo na, kung tungkol sa hirap ng buhay ang pag-uusapan. Madalas sabihin ng Tatay, walang krus na hindi kayang dalhin. Mahalin ang taong nagkasala, dahil ang kabuuan ng tao ay mabuti. Ibig sabihin, hate the sin, not the sinner.  Ipinakikita sa Mabuting Balita na ang ugnayan ng Diyos Ama at Anak ay lubhang malapit sa isa’t isa. Sa pagbasa, narinig nating sinabi ni Hesus, “Ang sino mang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya.” Mga kapatid, ang karanasan, mga pangyayari, mga taong nakakasalamuha natin ay mga instrumento ng Diyos upang magkaroon ng malalim na ugnayan sa Kanya. Idalangin natin, na sa tulong ng mga aral at turo ng Panginoong Hesus, makaisa nila tayo sa buhay natin dito sa lupa, at sa langit na pangarap.

Panalangin

Panginoon, kulang na kulang ang aming kakayahan upang sumunod sa iyo at manalig. Ang tawag ng kabanalan ay hindi madali. Pero sa tulong ng Banal na Espiritu na laging gumagabay, kami ay makasusunod sa inyo. Nawa’y lagi po ninyo kaming gabayan. Amen.