BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Huwebes mga kapatid/kapanalig! Ipinagdiriwang po natin ngayon ang kapistahan ni San Atanasio, Obispo at pantas ng Simbahan. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labinlima, talata siyam hanggang labing-isa.
Ebanghelyo: Jn 15:9-11
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin n’yo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko tulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo.
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Isa sa mga favorite flowers ko ang Everlasting. Kahit matagal mo nang pinitas, nananatili pa rin ang pagkacolorful at shiny ng petals. Higit sa lahat, gustong-gusto ko ito noong iniaalay sa aming altar ng Kristong hari. Nananatili ito at nagtatagal sa altar ng aming bahay. Pananatili. Ito ang paanyaya ni Hesus Maestro sa atin. Pananatili sa kanyang pagmamahal. Paano nga ba mapapanatiling sariwa ang pagmamahal? Alam natin na ang pagmamahal ay isang handog na galing sa ating Diyos Ama. Nakakintal ito sa ating puso at diwa. Paano naman tayo mananatiling nagmamahal? Ano ang susi? Katapatan. Sa kabila ng tukso na tumanggi, tumiwalag, tumakas, manatiling tapat. Di ba’t tapat ang ating Panginoon sa atin? Pinatunayan Niya ito nang Muli Siyang nabuhay! Matapos ang tatlong araw sa puntod, nagtagumpay siyang dala ang panibagong buhay para sa atin. Binigyan din Niya ng kahulugan ang ating buhay sa kahalagahan ng paglilingkod sa kapwa. Sinimulan Niya ito bago Siya umakyat sa luklukan ng Diyos Ama. Kay gandang pagnilayan kung paano’ng tayo na inalayan Niya ng Kanyang katapatan, ay nais din Niyang maging bahagi ng Kanyang plano ng kaligtasan para sa lahat. Ito nga ang pakikibahagi sa kagalakan ng ating Panginoon. Sundin natin ang Kanyang payo na tumahak sa landas ng pananatili, tulad ng taimtim na panalangin, at laging handang magparaya ng oras, lakas at kakayanan. Ikalawa, tumalima sa kalooban ng Ama na maglingkod nang hindi naghihintay ng kapalit. Ngayong buwan ng ating Inang Maria, matuto sana tayo sa kanyang matimtiman at tapat na puso. Siya ang dakilang halimbawa ng tunay na pananatili. Siya rin para sa akin ang buhay na larawan ng everlasting flower. Matulad sana tayo sa kanya, sa tulong ng biyaya at awa ng ating Panginoon.