BAGONG UMAGA
Magandang araw ng Lunes, mga kapatid/kapanalig! Ipinagdiriwang po natin ngayon ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Ito pong muli si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labing-anim, talata dalawampu’t siyam hanggang tatlumpu’t tatlo.
Ebanghelyo: Jn 16:29-33
Sinabi ng mga alagad kay Jesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili—at ako naman ay iiwan n’yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Maraming uri ng pagsubok ang dumarating sa ating buhay. Marami tayong mga balita na nababasa at naririnig tungkol sa maraming klase ng violence na nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo. Minsan ito ay nagaganap rin mismo sa sariling pamilya, sa komunidad, o sa ating lipunan. Sa ngayon, may mga bansang katulad ng Ukraine at Russia, Israel at Hamas na patuloy pa rin ang giyera. Marami nang tao ang namatay, nasugatan, mga pamilyang nagkawatak-watak, mga infrastructures at important landmarks na nasira, dahil lamang sa walang saysay na giyerang ito. Kapanalig, ang kapayapaan ay matatamo lamang natin kung ang ating puso at kalooban ay malapit na kaisa ni Hesus. Ang kawalan ng kapayapaan ay di lamang nangyayari kung may mga physical violence na nagaganap sa buhay. Pero puede rin tayong mawalan ng kapayapaan kapag ang ating puso ay puno ng poot sa ibang tao at wala nang puwang ang pag-ibig ng Diyos. Ang negative na gamit ng social media ay nagiging hadlang rin para manahan ang kapayapaan sa ating puso. Sa kabila ng mga kaguluhan at mga pagsubok na dumarating sa buhay natin, sikapin nating maging kaisa ni Hesus sa bawat sandali para manahan sa ating puso at kalooban ang tunay na kapayapaan na tanging siya lamang ang makapagbibigay.