BAGONG UMAGA
Magandang araw ng Martes, mga kapatid/kapanalig! Maligayang kapistahan ni San Matias, apostol. Ito pong muli si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labinlima, talata siyam hanggang labimpito.
Ebanghelyo: Jn 15:9-17
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin n’yo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko tulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan dahil hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga n’yo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin n’yo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”
Pagninilay:
“Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo, at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo.” Katulad ng labindalawang apostol na nauna sa kanya, pinili din at hinirang ng Diyos si San Matias na maging malapit na tagasunod ni Kristo. Sa apostolic exhortation ni Pope Francis na pinamagatang Gaudete et Exsultate (Magsaya at Magalak) sinabi niya, na hindi kailangang maging obispo, pari o madre para maging banal. Madalas kasi, iniisip natin na ang kabanalan ay para lang sa mga taong lumalayo sa mundo para magdasal nang buong araw. Hindi po! Tinatawag tayong maging banal sa pamamagitan ng pamumuhay na punung-puno ng pagmamahal, at sa pagpatotoo sa mga aral ni Kristo saan man tayo naroroon. May asawa ka ba? Maging banal ka sa pagmamahal at pag-aaruga sa iyong asawa gaya ng pagmamahal ni Kristo sa simbahan. Nagtatrabaho ka ba? Maging banal ka sa pagsisikap na magawa ang trabaho mo nang may katapatan at buong galing, bilang serbisyo mo sa buong mundo. Isa ka bang magulang? Maging banal ka sa pagmamahal mo at pagtuturo sa mga anak mo kung paano sumunod kay Jesus. Nasa posisyon ka ba ng kapangyarihan? Maging banal ka sa pagtataguyod ng ikabubuti ng mas nakararami, at sa pagtalikod sa anumang bagay na makasarili. Digital creator ka ba o social media user? Gamitin mo ang kakayahan mo sa pag-spread ng katotohanan at pag-asa, hindi ng tsismis at puro nega. Sundan natin ang halimbawa ni San Matias na nagpalaganap ng salita ni Kristo hanggang sa maging martir siya para sa Panginoon. San Matias, ipanalangin mo kami.