BAGONG UMAGA
Magandang araw ng Miyerkules, mga kapatid/kapanalig! Maligayang kapistahan po sa lahat ng mga deboto ni San Isidro Labrador, lalo na sa mga tagasubaybay natin sa Central Luzon. Ito pong muli si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labimpito, talata labing-isa hanggang labing-siyam.
Ebanghelyo: Jn 17:11b-19
Tumingala si Jesus sa Langit at nagsabi: “Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin. “Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa Ngalan mo at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak maliban sa nagpahamak sa kanyang sarili; marapat ngang maganap ang Kasulatan. At ngayon, bago ako pumunta sa iyo, sinasabi ko ito sa mundo upang malubos sa kanila ang aking galak. “Ipinagkaloob ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa mundo, kundi pangalagaan mo sila sa masama. “Hindi sa mundo sila galing, gaya nang hindi ako sa mundo galing. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Ang wika mo ay katotohanan. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, gayundin naman sinugo ko sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking sarili, upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapanalig, ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ni San Isidro Labrador, isang magsasaka at patron ng mga magsasaka. Bago pumunta si Isidro sa kanyang sinasaka ay nagsisimba muna sya kaya tanghali na syang dumarating sa farm. Dahil dito isinumbong sya ng kanyang kapwa manggagawa sa kanilang landlord. Nagsurprise visit ang landlord sa farm upang alamin ang katotohanan. Wala nga si Isidro pero may anghel na nag-aararo habang nagsisimba si Isidro. Kaya po makikita natin sa imahen ni San Isidro ang anghel at kalabaw. Kapanalig, ito ang sinasabi ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Hindi dahil tagasunod nya, ligtas na sa mapang-usig na mundo. Darating pa rin ang mga problema at pagtitiis sa buhay natin subalit kung tayoý na kay Cristo pupunuin Nya tayo ng grasya na makayanan at malagpasan ang mga ito. Usigin man tayo ng mundo dahil sa pagsunod sa Kanyang mga utos, ang kapayapaan at galak sa ating mga puso ay hindi maglalaho. Hingin natin ang panalangin ni San Isidro na manatili rin tayong tapat kay Hesus.