Daughters of Saint Paul

Mayo 16, 2024 – Huwebes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay  | San Juan Nepomuceno

BAGONG UMAGA 

Magandang araw ng Huwebes, mga kapatid/kapanalig! Maligayang kapistahan ni San Juan Nepomuceno. Ito pong muli si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labimpito, talata dalawampu hanggang dalawampu’t anim.

Ebanghelyo: Jn 17:20-26

Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Hindi sila lamang ang aking ipinagdarasal kundi pati ang mga naniniwala sa akin sa pamamagitan ng salita nila. Maging iisa sana silang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at nasa iyo ako. Mapasaatin din nawa sila upang maniwala ang mundo na ikaw nga ang nagsugo sa akin. “Ipinagkaloob ko naman sa kanila ang luwalhating ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo ay iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya malulubos sila sa kaisahan, at kikilanlin ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin at nagmahal ako sa kanila gaya ng pagmamahal mo sa akin. “Ama, sila ang ipinagkaloob mo sa akin kaya niloloob ko na kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at makita nila ang kaluwalhatian kong kaloob mo sa akin sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. “Makatarungang Ama, hindi kumilala sa iyo ang mundo; kumilala naman ako sa iyo at kinilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahayag ko sa kanila ang Ngalan mo at ihahayag pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako rin ay mapasakanila.”

Pagninilay:

Ibinahagi ni Bro. Russel Patolot ang pagninilay ngayon. Sa ilang taon ko bilang conductor ng isang parish choir, ang isa sa mga pinakamahalagang kasanayang dapat matutunan ng bawat miyembro ay ang unison singing o ang pagkakanta ng sabay-sabay ng iisang himig. Iba ang ganda at kilabot-effect ng isang grupo ng magkakaibang mga tao at tinig ay nagkakaisa. Ayon pa nga sa mga siyentipikong pag-aaral, kapag ang koro ay kumakanta, maging ang kanilang paghinga at pagtibok ng puso ay nagiging isa! Iisang himig, iisang tinig, iisang pusong pumipintig! Ito mismo ang panalangin ni Hesus para sa lahat ng nananampalataya sa Kanya: ang pagkakaisa na nakaugat sa pagmamahalan nila at ng Ama. Walang ibang hangarin ang umiibig kundi ang laging makapiling ang iniibig, kaya isinugo ni Hesus ang Espiritu Santo, ang pag-ibig ng Ama at ng Anak, upang kahit ngayon ay maransanan natin ang mamuhay sa pagmamahal. Kung gayon, iisa lamang pala ang tibok ng puso natin at ng puso ng Diyos! Mga kapanalig, maraming pagkakataong susubukin ang pagkakaisang pinapangarap ni Hesus para sa atin. Sa tuwing natutukso tayong makita lamang ang kahinaan ng isa’t isa, nawa’y hilingin nating mapalalim ang ating pananatili sa puso ng Diyos upang mapanibago ang ating pananaw at lumawak ang ating pag-unawa. Kapag kay Hesus tayo naka-focus, hindi magwawagi ang pag-aaway; pagkakaisa ang bonus basta’t pag-ibig ay tunay.