BAGONG UMAGA
Mabiyayang araw ng Linggo mga kapatid/kapanalig! Ipinagdiriwang po natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pentecostes. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata dalawampu, talata labing-siyam hanggang dalawampu’t tatlo.
Ebanghelyo: Jn 20:19–23
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Buen Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Isang araw may batang lumapit sa akin at nagtanong. “Sir, ano po ang kulay ng Holy Spirit?” Nagulat ako sa kanyang tanong. Naisip ko na sabihing pula, pero nahamon ako na pagnilayan: May kulay nga ba ang Espiritu Santo? Kung mayroon, ano kaya ito? Isang mapagpalang araw ng linggo mga kapanalig. Sa araw na ito ginugunita natin ang Dakilang kapistahan ng Pentekostes, ang pagdating ng Espiritu Santo sa mga apostol, at araw rin ng kapanganakan ng ating simbahan.
Bagama’t sa simula pa lamang ng binyag tinanggap na natin ang Espiritu Santo, mas pinagtitibay sa kumpil o Confirmation ang tinanggap na nating Banal na Espiritu. Tinatawag din siyang Parakletos, ang tagapagbigay-lakas, ang Tagapagpabanal, ang hininga ng Diyos (ruah) at ang Pag-ibig sa pagitan ang Ama at Anak. Marami pang mababanggit tungkol sa Espiritu Santo pero walang sinasabing kulay. Kung titingnan sa malikhaing mga mata, ang katapangan at katatagan na mga bunga ng Espiritu Santo ay kulay pula; makikita naman ang Chrisma at Biyaya ng Buhay na kulay luntian o berde; pwede ring kulay puti ng kalinisan o kabanalan, tulad ng kalapati na madalas na larawang ginagamit para sa Espiritu Santo. Mga kapatid/kapanalig, marahil tulad ng liwanag na dumaraan sa isang prism at nagbubunga ng isang buháy na hanay ng iba’t ibang kulay, masasabi nating walang iisang kulay ang Espiritu Santo. Higit sa pula o sa puti, higit pa sa bahag-hari. Ang bawat kulay at bawat biyaya na aakma sa taong tumatanggap sa apoy ng espiritu ang magbibigay kulay sa buhay ng mundong ating ginagalawan. Higit sa anupamang kulay, sa ating pagtanggap sa Espiritu Santo, pinag-aalab niya ang marubdob nating adhika na makagawa at makapagbigay-patotoo bilang isang Simbahan na buháy ang ating Panginoong Hesukristo sa ating isip, sa bawat salita, lalo na sa ating mga gawa. Amen.