Daughters of Saint Paul

Mayo 28, 2024 – Martes sa Ika-8 Linggo ng Taon   

BAGONG UMAGA   

Mapagpalang araw ng Martes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata sampu, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu’t isa.

Ebanghelyo: Mc 10:28-31

Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan , mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit ang buhay na walang hanggan. “May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Narinig natin ang sinabi ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Mukhang may hugot ang binitawang salita ni Pedro. Totoong may kalakip na pag-uusig, sa bawat panawagan na sumunod sa yapak ng ating Panginoon. Ito ang great challenge. Noong nagsisimula akong tumugon sa calling ng pagmamadre, exciting para sa akin. Dahil nananabik ako noon na manahan sa kumbento. At sa formation na natanggap ko, doon ko lang napagtanto na ang kamangha-manghang panawagan ay ang ugnayan ko sa Diyos. Sa initial formation, dahan-dahan kong nauunawaan kung sino ako. Unti-unti, natutuhan ko ring mahalin ang sarili ko. Kasabay nito, little by little, ang nakilala kong Hesus, hindi ko lang nakikilala sa pangalan kundi, ang tunay na kahulugan ng Kanyang pangalan sa aking buhay. Kay tamis pagnilayan: Aking Tagapagligtas. Hindi lang din Siya bilang aking Hesus Maestro na nagtuturo sa akin, kundi isang Maestro na mas nakakaalam pa ng aking pagkatao kaysa sa akin. Nang tumatagal na ako sa pagtugon sa paghuhubog sa akin, natagpuan ko ang aking strengths and weaknesses, talents and incompetencies. Mayroon na ring requirement na i-let go ang maraming bagay na natutuhan kong i-treasure. Higit pa roon, mas natatanggap ko na, ang panawagan ng pag-uusig. Yun bang kahit na malinis ang iyong intensyon, at iba ang kanilang interpretasyon, kaya ko nang tiisin. May tukso rin na pilit sinusungkit ang pagmamahal ko sa aking Hesus Maestro at ipagpalit sa yamang material, at sa inaalok na pag-ibig ng isa ring nilalang, pero nakakayanan ko Siyang ipaglaban. Sa mga pag-uusig na ito, hindi ito dapat ikabahala dahil kailangan ko ito sa paglago ng aking pagmamahal at pananampalataya sa Kanya.