BAGONG UMAGA
Mabiyayang araw ng Huwebes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita ayon kay San Marcos kabanata sampu, talata apatnapu’t anim hanggang limampu’t dalawa.
Ebanghelyo: Mc 10:46-52
Pag-alis ni Jesus sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at ang marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabing-daan– si Bartimeo, ang anka ni Timeo. Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin!” Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin n’yo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus. Kinausap ito ni Jesus at sinabi: “Ano ang gusto mong gawin ko?” At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.” At sinabi naman ni Jesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.”
Pagninilay:
Itinalaga ni Papa Francisco ang taong ito na Taon ng Panalangin bilang paghahanda sa dakilang Jubileo sa 2025. Paano ba dapat manalangin? Isang napakagandang halimbawa ng panalangin ang ebanghelyo ngayon. Hindi lamang sumigaw si Bartimeo upang humingi ng tulong kay Kristo nang may matibay na pananampalataya. Aktibo rin niya siyang hinanap sa pamamagitan ng pagbangon at paglapit sa kanya. Matiyaga at patuloy siyang tumawag kay Jesus na kinilala niya bilang Mesiyas, kahit na pinigilan siya ng iba. Buong tiwala niyang sinabi kay Kristo na gusto niyang makakita, at dininig ng Panginoon ang kanyang hiling. Nagsimulang makakita si Bartimeo, at natanggap rin niya ang dakilang biyayang makita ang mukha ni Kristo. Kay Bartimeo, matututunan natin ang mga katangian ng panalangin: Una, ito ay simple at mapagkumbaba – kinikilala ang kahinaan at kakulangan, at idinudulog ito sa Panginoon nang walang maraming palabok na salita. Ikalawa, may matibay itong pananampalataya. Ikatlo, punumpuno ito ng pag-asa na nag-udyok kay Bartimeo upang bumangon at lumapit kay Jesus. Ika-apat, paulit-ulit at matiyaga niyang sinambit ang kanyang pagsusumamo, kahit na pinigilan siya ng iba. Para kay Santa Teresita ng Lisieux: “Ang panalangin ay silakbo ng puso; ito’y isang simpleng tingin sa langit, isang sigaw ng pagkilala at ng pag-ibig, na yumayakap ng pagsubok man o kagalakan.”