Daughters of Saint Paul

Mayo 31, 2024 – Biyernes sa Ika-8 Linggo ng Taon | Kapistahan ng Pagdalaw sa Mahal na Birheng Maria

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Biyernes mga kapatid/kapanalig! Kapistahan po ngayon ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria. Pasalamatan po natin ang Mahal na Ina sa lahat ng biyayang ipinagkaloob niya sa atin sa buong buwan ng Mayo. Pagbati rin po at pasasalamat sa lahat ng nakabuo ng Flores de Mayo at nakilahok sa Santacruzan bilang parangal sa Birheng Maria.  Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas unang kabanata, talata tatlumpu’t siyam hanggang limampu’t anim.

Ebanghelyo: Lc 1:39-56

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. “Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. Buen Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.

Sa pagmamadali kong umuwi, nakalimutan ko ang pangako ko sa aking pamangkin. Pagdating sa bahay ng aking kapatid, patakbong yumakap ang pamangkin ko at tuwang-tuwang nagtanong – “Uncle, where is my donut?” Naku, halos matunaw ako sa hiya dahil wala akong dalang donut. Sabi ko na lang sorry at bukas ko na lang bibilhin kasi nalimutan ni uncle. Laking gulat ko nang ngumiti ang aking pamangkin at niyakap akong muli, sabay sabing, “It’s OK uncle. But tomorrow it’s already 2 boxes”.  Mga kapatid/kapanalig, sa Mabuting balita ngayon, nagmamadali si Maria upang dalawin si Elisabet na kanyang pinsan. Nagmamadali sapagkat dala-dala niya ang Mabuting Balita sa kanyang sinapupunan. Hindi niya ito makakalimutan sapagkat napakalaki at kagila-gilalas ito, na tiyak na ikamamangha ni Elisabet, na nakaranas din ng himala sa kanyang pagdadalang-tao. Pareho ang dumalaw at dinadalaw na may pasalubong sa bawat isa. Pareho nilang tangan sa kanilang puso at sinapupunan ang Mabuting Balita, at ang tinig na maghahanda ng daan para sa Mabuting Balita. Parehong nanalig sa kapangyarihan ng Diyos at naging bahagi sa plano ng kaligtasan ng sanlibutan, ang magpinsan. Sa kanilang pakiki-isa at pagtugon sa Diyos nasimulan ang daan sa pangakong kaligtasan. Paanyaya ito sa atin na makiisa at magmadali rin sa pagbabahagi ng Mabuting balita sa ating kapwa, na naghihintay marinig ang tinig at plano ng Diyos sa buhay nila. Nawa’y huwag nating malimutan ang tunay at nakasasabik na pasalubong para sa kanyang bayan – ang wagas na pagmamahal at walang hanggang awa at biyaya ng Diyos. Amen.